Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Gatchalian: Udenna-Dennis Uy lubog sa utang

0 167

Muling kinuwestyon ni Senador Sherwin Gatchalian ang pinansyal na estado ng Udenna Corporation ng negosyante na si Dennis Uy matapos suspendihin ang pag-aari nitong PH Resorts Group Holdings Inc., isang casino project sa Clark dahil sa pagkalubog sa utang.

Ginawa ni Gatchalian ang pahayag habang sumasailalim sa pagsusuri ng gobyerno ang financial capacity ng Udenna kasunod ng pagbili nito sa stake ng Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya gas field.

“Maliwanag na red flag ito sa tunay na estado ng Udenna. Paano natin mapagkakatiwalaan ang kompanyang lubog sa utang? Una, nabili ng Udenna ang 45% stake ng Chevron sa Malampaya sa pamamagitan ng loans. Ngayon, gusto naman ng Udenna na mapasakamay nito ang stake ng SPEX na siyang operator mismo ng Malampaya,” sabi ni Gatchalian.

“Hindi isang ordinaryong asset ang Malampaya. Kaya kailangang siguruhin natin na anumang transaksyon na may kinalaman dito ay dapat dumaan sa masusing pagsusuri at due diligence ng gobyerno upang magarantiya sa mga kababayan natin na ang sinoman na papalit na kompanya ay talagang kuwalipikado at may kakayahang mag-supply ng kuryente,” dagdag pa niya.

Pinupunan ng Malampaya ang aabot sa 26% na supply ng kuryente o tinatayang 3.7 milyong sambahayan sa Luzon. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.