Una sa Balita

Gastos sa mga atleta nasa P1B na – Butch

0 433

UMABOT na sa kabuuang P1 bilyon ang ginagastos ng Philippine Sports Commission (PSC) sa paghahanda pa lamang ngmga pambansang atleta na nakatakdang sumabak sa iho-host ng Pilipinas na ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games (SEAG) Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Ito ang ibinigay na update ng tumatayo din na Team Pilipinas Chef de Mission na si Ramirez sa pagdalo nito Martes ng umaga sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na ginanap sa Braska Restaurant ng Amelie Hotel sa Malate, Manila.

“Malakas ang loob ko na magiging maganda ang kampanya natin,” sabi ni Ramirez, na optimistikong matatabunan ng mga pambansang atleta ang naiuwing mga medalya sa naging kampanya ng bansa noong 2005 na kung saan tinanghal itong pangkalahatang kampeon.

Iniuwi ng Pilipinas ang kabuuang 112 ginto, 85 pilak at 93 tanso para sa kabuuang 290 medalya upang sungkitin nito ang pinakaunang pangkalahatang kampeonato sapul na sumali sa kada dalawang taong torneo noong 2005.

Sinabi ni Ramirez na mula sa dating 1,462 kabuuang bilang ay nabawasan ang lalahok na atleta sa 1,115 para sa delegasyon ng Pilipinas. Ito ay binubuo ng 651 kalalakihan at 464 kababaihan habang kabuuang 346 ang coaches at officials.

“I really felt that the Team Philippines will deliver a surprise,” sabi pa ni Ramirez patungkol sa ginastos nito na P1-bilyon para sa foreign exposure at training lamang ng mga atleta.

Una nang sinabi ni Ramirez na itinakda lamang nito sa P300 milyon ang badyet para sa mga atleta bago dinagdagan ng P300 milyon para sa kabuuang P600 milyon.

“We went beyond to support our athletes,” sabi ni Ramirez. “Ipina-audit namin ang nagagastos na sa mga atleta at nagulat kami na umabot na pala sa P1 bilyon ang naibibigay para sa kanila.” (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy