Una sa Balita

Garin, 9 opisyal ng FDA, Sanofi kinasuhan sa Dengvaxia

0 309

KINASUHAN ng reckless imprudence resulting to homicide si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin at 9 na opisyal pa kaugnay ng Dengvaxia issue.

Nabatid sa 78 pahinang resolusyon ng ikalawang batch ng prosecution na humawak ng kaso, nakakita ng ‘inexcusable lack of protection’ para kasuhan si Garin at mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Sanofi Pasteur, Inc. (Sanofi).

Gayundin, nakakita rin ang Department of Justice (DOJ) ng sapat na ebidensiya para kasuhan ang president ng Sanofi Pasteur, Inc. dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines bunsod ng pagmamanupaktura ng Dengvaxia vaccine na mapanganib ibakuna sa mga taong hindi pa nagkaka- dengue.

Nalaman na nagmadali ang mga opisyal ng gobyerno nang payagan ang pagbili ng Dengvaxia vaccine sa kabila na may ‘red flag’ pa sa paggamit nito.

Base sa deliberasyon ng Formulary Executive Committee (FEC), nalaman na ginawa ang pagbili ng Dengvaxia vaccine sa kabila na marami pang vaccine ang maaaring mabili sa National Immunization Program (NIP). Dapat umano na hinintay muna ang pre-quali­fication vaccine na ilalabas ng World Health Organization (WHO) dahil ang dengue vaccination program ay isang ‘demonstration project’ noong 2017 sa ilalim ng NIP.

Mayroon din umanong pagtutol sa dengue vaccination program dahil sa low vaccine efficacy ng Dengvaxia para sa dengue virus serotype 2 na siyang pangkaraniwang tipo ng dengue sa Pilipinas.

Bukod pa na ang mga clinical trial ay dapat na magtapos pa sa Nobyembre 2017 at may posibilidad na may Adverse Event Following Immunization (AEFI).
Nalaman din ng prosecution na ang mga clinical trial para sa Dengvaxia vaccine ay hindi pa tapos nang ito ay bilhin at gamitin sa mass immunization program ng pamahalaan, at sa kabila na ‘di pa tapos ang mga clinical trial ay inaprubahan na ng FDA ang registration ng vaccine.

Nabigo rin ang mga respondent na ipaalam sa mga Dengvaxia recipient at kanilang pamilya ang panganib ng vaccine at hindi rin nila kinuha ang consent ng mga recipient.

Nalaman din ng DOH na hindi isinailalim sa physical examination ang mga Dengvaxia recipient. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More