Una sa Balita

‘Gardo’ lumakas habang papalapit sa PAR

By
0 1,377

LUMAKAS pa habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility­ (PAR) ang bagyong ‘Gardo’, ayon sa Phi­lippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kahapon.

Lunes nang umaga umano inaasahang papasok ng PAR si ‘Gardo’ na bagama’t hindi tatama sa kalupaan ay magdudulot ng malalakas na pag-ulan.

Ayon sa Pagasa, napa­natili ng bagyo na may international name na ‘Maria’ ang lakas nito.

Huli itong namataan 1,995 kilometro sa Central Luzon na taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometer per hour at bugsong nasa 225 kilometer per hour.

Ngayong Linggo ay asahan na umano na makakaranas ng pag-uulan sa Metro Manila, Western Visayas, ilang bahagi ng Calabarzon at Mimaropa. Ito ay dala umano nang paghigop ng papasok na bagyo sa southwest monsoon o habagat.

Ibinabala rin ng Pagasa ang posibilidad ng pagbaha at landslide sa ilang lugar sa Luzon.

Kung hindi umano magbabago ang direksiyon ng bagyong ‘Gardo’ ay Lunes nang umaga ito papasok ng PAR at mananatili sa bansa ng isang araw at inaasahang lalabas din ng Martes nang umaga at tutumbukin ang direksiyong patungo sa Japan o China.