Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ganda, kabaitan mananatiling buhay: Paalam ‘Reyna’ Susan Roces, 80

0 109

Marami ang nagulat, nalungkot sa pagpanaw ng Queen of Philippine Movies na si Susan Roces nitong Biyernes ng gabi (May 20) sa edad na 80.

Si Susan, na tinawag na the “Face That Refreshes” noong maging contract star siya ng Sampaguita Pictures, at asawa ni ‘Da King’ of Philippine Movies Fernando Poe, Jr. Kinasal sila noong December 24, 1968. Una silang nagtambal sa pelikulang ‘Ang Daigdig Ko’y Ikaw’ noong 1965. Pumanaw naman si FPJ noong December 14, 2004.

Naglabas ng official statement ang adopted daughter nina Susan, FPJ, na si Senator Grace Poe-Llamanzares.

“With great sadness, we announce the loss of our beloved Jesusa Sonora Poe, whom many of you know as Susan Roces. She passed away peacefully on a Friday evening, May 20, 2022, surrounded by love and warmth, with her daughter Grace, her nephews Joseph and Jeffrey and many of her family and close friends. She lived life fully and gracefully. Remember her in her beauty, warmth and kindness.”

Pinanganak bilang Jesusa Purificacion Levy Sonora noong July 28, 1941 sa Bacolod, Negros Occidental si Susan o Manang Inday sa mga malalapit na kaibigan niya sa showbiz. Pinasok niya ang mundo ng showbiz noong 1952 at naging matinding karibal niya noon ay si Amalia Fuentes na tinawag noon na Miss Number One. Pumanaw naman si Amalia noong October 5, 2019.

Bilang aktres, nagpakita ng husay si Susan sa drama at sa comedy. Nakagawa nang higit 130 pelikula si Susan at nanalo siya ng dalawang FAMAS Best Actress awards para sa mga pelikulang Maligno (1977) at Gumising Ka… Maruja (1978).

Ilan sa mga memorable drama and comedy films ni Susan ay ang Boksingera, Prinsesa Gusgusin, Susanang Daldal, Eddie Loves Susan, Amy, Susie, Tessie, Pilipinas Kong Mahal, Zamboanga, Langit at Lupa, Perlas Ng Silangan, Patayin Sa Sindak Si Barbara, Maruja, Ana-Roberta, To Susan With Love, Divina Gracia, Bilanggong Puso, Hanggang Sa Kabila Ng Daigdig, Nasaan Ka Nang Kailangan Kita, Inday, Inday Sa Balitaw, 1 + 1 = 12 Plus 1, Paano Kung Wala Ka Na, Ang Lahat Ng Ito Pati Na Langit, Mundo Man Ay Magunaw, Isinakdal Ko Ang Aking Ina at Mano Po 2: My Home.

Sa TV ay huling napanood si Susan bilang si Lola Flora sa long-running actionserye na ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ sa ABS-CBN. Ilan pa sa mga nagawa niyang TV series ay John En Shirley, Sana Ngayong Pasko, Kokey, Babaeng Hampaslupa, 100 Days To Heaven, Walang Hanggan, Muling Buksan Ang Puso at May Bukas Pa.

Noong magsimula ang pandemic noong 2020, matagal na hindi napanood sa TV sa Susan dahil sa pagbawal sa mga senior citizens na lumabas at magtrabaho. Napapanood na lang siya sa kanyang TV commercial kunsaan ini-endorse niya ang isang generic brand medicine.

Hindi malilimutan ang pagiging fighter at crusader ni Susan noong himukin niya ang former Pres. Gloria Macapagal-Arroyo na mag-resign sa kanyang posisyon dahil sa diumano ay dayaan sa eleksyon na ikinatalo ni FPJ bilang presidente noong 2005.
Sinabi pa noon ni Susan: “You have stolen the presidency, not once but twice!” at “May kasabihan tayong mga Pilipino. Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw!” (Ruel Mendoza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.