Una sa Balita

Game of Drones

By
0 208

Parang eksena sa pelikula ang tangkang asasi­nasyon sa pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro nang dalawang drone na may kargang tig-isang kilo ng C4 explosive na muntik nang makalusot sa lugar kung saan nagtatalumpati si Maduro sa siyudad ng Caracas noong Agosto 4.

Ang isang drone na kayang pumatay ng maraming tao dahil sa kargang pampasabog ay nabaril ng mga sundalo sa ere at sumabog na ikinagulat ni Presidente Maduro na nasa gitna ng kanyang talumpati sa harap ng mga miyembro ng ­National Guard.

May naiulat na pitong sundalo ang nasugatan sa pag-atake ng drone dahil sa talsik ng mga C4 sa mga taong direktang nasa ilalim ng nakamamatay na drone.

Ang ikalawang drone naman ay nawalan ng kontrol at sumalpok sa isang apartment building na lumikha pa ng sunog ayon sa mga ulat ng foreign press.

Mabilis ang na­ging pagkilos ng mga sundalo at pulis ng Ve­nezuela at agad nadakip ang ilang suspect kabilang na ang mga operator ng drone na nahuli na nakasakay sa isang kotse malapit sa entablado kung saan naroroon si Presidente Maduro.

Ito na marahil ang unang pagkakataon kung saan ginamit ang teknolohiya ng drone para magpasabog ng bomba at mismong ang pangulo ng Venezuela pa ang naging target nito.

Walang duda na nakita ng mga suspek ang potensiyal ng drone sa asasinasyon dahil na rin sa mga naglalabasang commercial sa telebisyon kung saan ginagamit ang drone para mag-deliver ng malalaking package sa mga bahay.

Bago pa naimbento ang teknolohiya ng drone, mayroon ng mga malalaking remote-controlled airplane na may malalakas na makina at gumagamit din ng gasolina para lumipad sa ere gamit ang remote control ng nagpapalipad na tao.

Sa ilalim ng rehimen ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, ipinagbawal ng noo’y Armed Forces chief of staff Gen. Fabian Ver ang mga remote-controlled na model airplane dahil nakita rin ng heneral ang potensiyal ng mga naturang eroplano para kargahan ng bomba at targetin ang pangulo para sa asasinasyon.

Bukod sa pagiging AFP chief of staff, director-general din si Gen. Ver ng National Intelligence and Security Administration (NISA), bukod pa sa pagiging commanding general ng Presidential Security Command (PSC) na siyang nagbabantay kay Marcos at sa Unang Pamilya.

Ganun kalikot ang utak ni Gen. Ver at naisip niya pa na puwedeng gamitin ang mga remote-controlled model airplane sa asasinasyon kaya minabuti niyang ipagbawal ang pag-import nito sa mga ­hobbyist.

Dito sa Pilipinas, kalimitang gamit ang drone ng mga TV station cameraman at maging mga photographer ng pahayagan dahil na rin sa paglakas ng online edition ng mga dyaryo dala ng pagiging popular ng social media.

Hindi ko lang alam kung mayroon nang umiiral na restriksyon ang Presidential Security Group (PSG) sa pagpa­palipad ng mga drone ng media sa mga outdoor speech ni Pangulong Rod­rigo Duterte lalo na sa mga pampublikong lugar gaya ng Rizal Park.

Pero siguradong na­balitaan na ng PSG at ng intelligence community ang tangkang asasi­nasyon kay Ve­nezuelan President Nicolas Maduro gamit ang mga drone kung kaya hindi mala­yong maghigpit na rin ang PSG sa pagpapalipad ng mga media drone kapag may outdoor appearance si Pangulong Duterte.

Mahirap nang malusutan ang PSG lalo pa’t habang tumatagal ay lalong nagiging high-tech ang mga drone at hindi malayong magkaroon na rin ng teknolohiya sa pagkakaroon ng mga long-range kung saan ang nagpapalipad ay malayo sa target na lugar. Game of Drones na ang tawag diyan.