Una sa Balita

Gambling lord Atong Ang nagturo sa Kamara Bong Pineda nagpanalo kay Gloria

By
0 5,011

Ibinunyag kahapon ng diumano’y gambling lord na si Charlie ‘Atong’ Ang sa pagdinig ng Kamara ang taong nagpanalo anya sa presidential election kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa mga ano­malya umano sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), inihayag ni Ang na ang diumano’y jueteng lord na si Rodolfo ‘Bong’ Pineda ang tumulong kay Arroyo para manalo ito sa presidential election noong 2004.

Kapalit aniya ng pagtulong ni Pineda kay Arroyo ay ang pagpapasara sa kanyang gaming firm.

“Si Madam GMA po, pinaboran po si Pineda, ang ginawa, pinasara ‘yung Meridian,” sabi ni Ang.

Si Pineda na isa umanong ‘political king maker’ ay dati nang ipinatawag sa mga pagdinig ng Senado tungkol sa illegal jueteng operation noong panahon nina dating Pa­ngulong Fidel Ramos at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.

Ang kanyang asawa na si Pampanga Gov. Lilia Pineda ay tumakbo sa ilalim ng partido ni Arroyo noong 2016 elections.