Una sa Balita

Galing ng mga Filipino sa Korean War

By
0 591

Noong Biyernes ng umaga, isang makasaysayang pangyayari ang naganap. Sa unang pagkakataon, nagkamay ang Pangulo ng North Korea (Democratic People’s Republic of Korea o DPRK) na si Kim Jong-un at ang Pangulo ng South Korea na si Moon Jae-in sa demilitarized zone sa Panmunjom.

Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataon na nagkita ang mga pangulo ng dalawang bansa (Noong 2000 at 2007 kapwa sa Pyongyang, DPRK), ito ang unang pagkakataon na nakatuntong sa border ng South Korea ang isang pinuno ng DPRK. Nakapangingilabot na ito habang pinapanood ngunit sa hindi inaasahan at napag-usapang tagpo, inanyayahan ni Kim si Moon na humakbang sa lupain ng North Korea at doon ay magkamay muli. Sa isang pahayag, nangako ang dalawa na tatapusin na ang digmaan ng dalawang bansa.

Lingid sa kaalaman ng marami, may papel ang mga Filipino sa digmaan. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, pinaghatian ng mga Allied Power ang Korea na noon ay nakuha nila mula sa mga Hapones. Ang North Korea ay napunta sa mga komunista at ang South naman sa mga Amerikano.

Nahati ang Korea sa tinatawag na 38th parallel. Subalit, noong 1950, sinalakay ng DPRK ang South Korea.

Umabot sa puntong mayorya ng Korean Peninsula ay nakuha ng mga komunista. Kaya naman, sumaklolo ang United Nations upang tulu­ngan ang mga South Korean na maitaboy ang mga puwersa ng DPRK. 16 na bansa ang nagpadala ng battalion combat teams upang sumabak sa pakikipag­laban.

Apat na taon pa lang na isang mala­yang bansa ang Pilipinas, napagpasyahan ni Pa­ngulong Elpidio Quirino na ipadala ang ating mga sundalo.

Related Posts

Ang ating partisipasyon sa Korean War ang isang digmaan na hindi masyadong pinag-uusapan subalit doon lumitaw ang ga­ling ng mga Filipino.

Sa Battle of Miudong-Singye, hinarap ng platoon ni First Sargeant Maximo Young ang mas malaking kalaban ngunit sa kanilang ka­tapangan, napabagsak nila at napaurong ang mga ito. Ito ang unang pagwawagi ng AFP sa labas ng bansa. Nariyan din ang pinakama­laking labanan natin sa Digmaan sa Korea, ang Battle of Yultong Bridge.

Tinatayang isandaang Filipino ang namatay subalit sa mga bansang kasama natin na humarang sa DPRK, sa labanan na iyon sa Filipino lang sila hindi nakalusot. Tinawag tayong ‘Stonewall of the United Nations’.

Nariyan din ang Battle for Hill Eerie na pina­ngunahan ni Lt. Fidel Ramos, nakuha nila and burol nang walang nasasawing Filipino.
Ang mga kuwentong ito ay mapapanood sa Youtube, i-search niyo lang ang dokumentar­yong ‘March of the Va­liant’.

Hindi natapos ang digmaan, nagkaroon lamang ng armistisyo na sinundan ng taon ng takutan at karahasan mula sa dalawang bansa. Ngunit malaki ang pasalamat ng mga South Korean sa mga Filipino sa pagiging bahagi ng pagtatanggol sa kanilang demokrasya, na nagbigay daan sa kanilang pag-unlad.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy