Una sa Balita

Galawang China sa mga isla ng PH, kelan puputulin?

0 466

Walang palatandaan na mapapagod ang sambayanan na paulit-ulit na isuka itong pagpupumilit ng China na makuha ang mga isla at karagatang pag-aari ng Pilipinas.

Kahit ang mismong mga supporter ni Pangulong Duterte ay sumusulak ang dugo sa walang pakundangang pag-abante ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Parang kinukurot ang puso ng mga Pinoy sa mga litrato ng WPS ngayon na pinostehan na ng military airstrip at arsenal ng China. May mga istraktura na rin sila doon na handa nang pamahayan ng kanilang mga mamamayan.

Nitong bisperas lang ng Ash Wednesday-Valentine’s Day, isinatinig ni Sen. Ping Lacson ang kumukulong sentimiyento ng taumbayan sa unti-unting pananakop ng China.

“Damn us! Are we this helpless?” sabi ng tweet ni Sen. Lacson. Ganito ba tayo kainutil?

Ang paghihimutok ay karugtong ng kanyang rebelasyon na may mga Chinese names na ang mga bahagi ng Benham Rise. Jinghao at Tianbao Seamounts; Haidonquing Seamount; Cuiqiao Hill at Jujiu Seamounts.

Marami sa mga tagasuporta ng Pangulo ang hindi pa rin makapaniwala kung bakit ito pinapayagan ng gobyernong Duterte.

Sa atin ang Benham Rise! Sa atin ang West Philippine Sea (WPS)! Kahit kuting lang tayo kumpara sa higanteng China, dapat ay hindi tayo pumapayag. Pumalag man lang sana.

Magngangangawa at mag-ingay para ipaalam sa mundo ang ginagawa sa atin ng China. Bakit ba kaibigan ang turing ng Pangulo sa China gayong nang-aagaw ‘yan ng teritoryo ng Pilipinas? Tanong ito ng sambayanan – hindi lang ng mga kritiko.