Una sa Balita

Galawang BFF — walang iwanan

0 427

USAPANG BARAKO
Sen. Ralph Recto

Hunyo 12 natin ipinagdiriwang ang Independence Day o Araw ng Kala­yaan.

Kalayaan mula sa dayuhang bansa na noon ay matagal sumakop sa Pilipinas.

Miyerkoles noong nakaraang Linggo, habang ginugunita natin ang Araw ng Kalayaan, binulaga tayo ng balitang isang Pilipinong bangka, Gem-Vir 1 na may sakay na 22 Pilipinong ma­ngingisda, ang binangga ng Chinese fishing vessel nu’ng hatinggabi habang sila ay nakahimpil sa gitna ng dagat at natutulog.

Hunyo 9 naganap ang insidente sa Recto Bank sa West Philippine Sea, subalit lumabas lang ang balita Hunyo 12, mismong Araw ng Kala­yaan, noong magsalita sa media si Defense Secretary Delfin Lorenzana at humihingi ng imbestigasyon sa nangyari.

Fast forward nga­yon, 10 araw makaraan ang banggaan. Marami na ang mga nasabi. May matatapang na statement. May malumanay. May lumambot. Meron rin namang walang imik.

Wala pa ring ulat sa imbestigasyong ginagawa sa naganap na pagbanggang naglagay sa panganib sa buhay ng 22 Pilipinong tripulante. Nananatiling nakadaong sa dalampasigan ang wasak na bangka. At nakatambay ang mga apek­tadong mangingisda na walang magamit na bangkang panghanapbuhay.

Ano pa man ang kalabasan ng imbestigasyon, ang malinaw sa akin ay dapat nating protekta­han ang mga Pilipinong mangingisda. Maraming paraan upang magawa iyan na hindi madadag­dagan ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China. Isa diyan ang pag-file ng diplomatic protest.

Malinaw sa pahayag ng mga Pilipinong tripulante na sila ay binangga. Kung sabihin man ng kapitan at crew ng Chinese vessel na hindi nila nakita ang bangka ng Pilipino, malinaw na pagkaraang banggain ang Gem-Vir 1, inilawan ito ng Chinese vessel at nakita ang resulta ng banggaan—wasak ang likurang bahagi ng bangka ng mga Pilipino at nagsisimula na itong lumubog. Pagkakita sa sitwasyon, nagsimulang magmaniobra ang Chinese vessel, nagpatay ng ilaw at nilisan ang lugar.

Inamin ng China na Chinese vessel nga ang nakabangga sa Gem-Vir 1. Mas madali sanang matatapos ang usapin at kontrobersiya kung hihingi sila ng paumanhin sa pangyayari at sasagutin ang danyos sa nasirang bangka at bigyan ng kompensasyon ang mga naabalang mangi­ngisda na nawalan ng hanapbuhay sa pangyayari. Magawa lang ito ay malaki ang itatahimik ng usapin dahil iyon lang naman ang hiling ng mangingisda.

Simple lang ang buhay ng mga Pilipinong nangingisda sa mga dagat na nakapalibot sa arkipelago ng Pilipinas. Wala sa kanila ang malalim na usa­ping politika tungkol sa bansang umaangkin rin sa bahagi ng karagatang pinagsasaluhan natin sa kanila. Hindi nila alintana iyan dahil ang pinoproblema nila ay kung paano kumita sa pagingisda upang may maiuwi silang panggastos sa pang-araw-araw.

Masama ang loob ng mga Pilipinong mangingisda dahil iniwan sila sa gitna ng laot para madisgrasya. Ipakita natin ang suporta at tulong na kailangan at nararapat para sa kanila. Tulungan natin silang makakuha ng hustisya. ‘Yan ang tamang galaw ng mga tunay na BFF. ‘Di ka iiwanan at pababa­yaan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy