Una sa Balita

Gagamit ng ‘wang-wang’

0 2,491

MAS mahigpit na pagpapatupad at paghuli ang gagawin ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga sasakyan na gumagamit ng illegal siren o wang-wang.

Sa press conference kahapon ng hapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP-HPG director Chief Supt. Arnel Escobal na mahigpit na pagpapatupad ang ilalatag laban sa mga sasakyang gumagamit ng wang-wang kasunod ng kanilang kampanyang ‘Oplan Tokhang vs. wang-wang’.

Ayon kay Escobal, mga official government vehicle lamang ang maaaring gumamit ng wang-wang kabilang ang PNP, Armed Forces of the Philippines, mga ambulansiya at truck ng bumbero.

Abante Hiring – IT dep

Dagdag pa ng opisyal na puwede rin gumamit ang mga foreign diplomat at mga high-ranking official mula sa ibang bansa kumporme umano sa kahilingan ng mga ito katulad ng mga delegado sa 51st Asian Development Bank (ADB) Annual Meeting na ginaganap sa Ortigas, Pasig City.

Alinsunod na rin ito sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpapatuloy niya ang ‘no wang-wang’ policy na inumpisahan ng adminis­trasyon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Ayon sa Pangulo, marami na siyang natatanggap na ulat na mayroong mga politiko na gumagamit ng wang-wang para makalusot sa trapik.

Matatandaang nitong nakaraang buwan ng Marso ay libo-libong LED lights, siren, blinker at iba pang mga illegal accessory na nakumpiska ng PNP-HPG ang winasak ng bulldozer sa Camp Crame.

Bahagi ito ng ‘Oplan Disiplinadong Driver’ ng PNP-HPG na sinimulan noong Oktubre 2017 at alinsunod sa Presidential Decree No. 96 na nagbabawal sa mga maii­ngay at flashing device sa mga motor vehicle. (Edwin Balasa)