Una sa Balita

Gag order vs ABS-CBN tinapatan ng ribbon logo ng mga Kapamilya star

0 559

Hindi ikinatuwa ng mga sumusuporta sa ABS-CBN ang pagpa-file ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court (SC) ng gag order sa layuning pigilan ang network na maglabas ng mga statement kaugnay sa ipinag­lalaban nitong franchise renewal.

Binigyan naman ng SC ng 5 araw (mula nang matanggap ang petisyon) ang Kapamilya network para sagutin ang gag order plea.

Kung maaprubahan ang gag order ay pagbabawalan ang both party na magkomento kaugnay sa kasong isinampa ni Calida na layong ikansela ang prangkisa ng ABS-CBN. Panibagong sakit ng ulo ito ng network dahil bukod pa ito sa laban nito sa Kongreso kung saan inaapela nga nila ang renewal ng kanilang prangkisa.

Sa tingin ng marami lalo na ng mga solid Kapamilya ay masyadong nagiging marahas ang pagnanais ng mga nasa administrasyon upang ipa­sara ang ABS-CBN. Hindi tuloy nila maiwasang isipin na gumaganti ang Duterte administration dahil noong campaign period ng presidential election 2016 ay hindi umano inere ng Dos ang campaign ad ng nga­yon ay Pangulong Rodrigo Duterte kahit bayad na ito, ngunit ang mga campaign ad ng kalaban nito na si dating Sen. Antonio Trillanes na layong siraan umano si Duterte ay naipalabas sa network.

Kapansin-pansin naman na matapos ang gag order ay ini-launch ng ABS-CBN ang bago nilang logo na hugis ribbon na may kulay na pula, berde at asul. Halos lahat ng kanilang mga media platform ay nagpalit na ng logo nito. Ang Star Magic ay ni-launch ang #StarMagicStandswithABSCBN campaign kung saan may photo ng kanilang mga artist na may naka-pin na red-blue-green ribbon sa kanilang mga dibdib, tanda ng suporta sa kanilang home network.

Usually, ginagamit ang ribbon na ganito ang hugis bilang sign ng protesta, pakikiisa o paghingi ng hustisya sa ipinaglalaban ng isang organisasyon.

Ilan sa mga nakita ko rin na nagsuot ng ribbon ay sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid, JC De Vera, Melai Cantiveros, Joshua Garcia, Janella Salvador, Karla Estrada at marami pang iba. (Jun Lopez­)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More