Una sa Balita

Gabby umaasam na matuloy ang movie kay Sharon

By
0 2,531

Nakasama ko noong isang gabi sa isang Chinese restaurant sa Greenhills, San Juan, si Gabby Concepcion at talaga namang hindi pa rin kumukupas ang pagka-matinee idol niya dahil kahit ang mga sosyal na custo­mer doon ay nagkagulo sa kanya, huh! Panay nga ang pa-picture ng mga tao roon kasama siya.

Si Gabby naman, talagang pinagbigyan ang lahat ng mga nagpa-picture kasama siya at siya pa ‘yung nagse-‘sefie’ kapag walang ibang kukuha.

Puring-puri nga si Gabby ng mga fan dahil very accommodating siya sa kanila.

Anyway, sa tsikahan namin ni Gabby, natanong ko siya tungkol sa reunion movie nila ng ex-wife niyang si Sharon Cuneta at nasabi nga niya na medyo malabo pa ang tungkol doon. Pero, umaasa rin naman si Gabby na matutuloy pa rin ‘yon dahil alam naman niyang mara­ming mga Gabby-Sharon fan ang nagdarasal na matuloy pa rin ‘yon.

Pero nilinaw niyang kailangan talaga na maganda ang istorya ng kanilang reunion movie para worth it ang matagal na paghihintay ng mga fan.

‘Yung tungkol naman sa mala-Ocean’s Eleven movie kung saan makakasama nila ang napakaraming big stars ay hindi pa rin naman daw masasabing go na go na talaga.

Niluluto pa rin daw ang tungkol sa proyektong ‘yon.

Gabby mabenta pa rin sa abroad

Naaliw ako sa kuwento ni Gabby Concepcion sa isang anak niya na nag-aaral pa rin at nasa elementary. Nasira raw kasi ang sapatos ng anak niya at dahil gabi na at gagamitin ‘yon kinaumagahan sa pagpasok sa school ay wala na siyang pagkakataon na makabili ng bago kaya siya na mismo ang gumawa ng paraan para maayos ‘yon.

Nilagyan daw niya ng pandikit at ‘yung isang lumang sapatos niya ay kinuha niya ang insoles at tinabasan niya ‘yon at inilagay sa sapatos ng anak at presto, nagamit na uli ‘yon.

“Mukhang happy naman ang anak ko sa ginawa ko at nagamit niya ‘yung sapatos,” kuwento ni Gabby.

Samantala, nakapag-last taping day na pala sila ng Ika-6 Na Utos ng GMA 7 noong Friday at magtatapos na nga sila sa Saturday, kaya nagagawa na naman niyang mag-out-of-town at galing daw sila sa Davao City at babalik na naman doon next week.

Ngayong April naman ay pupunta si Gabby sa Amerika kasama ang kanyang pamilya para magbakasyon at may mga show rin siya roon.

In fairness, ang dami pa ring offer ni Gabby na mag-show abroad dahil palaban din naman sa kantahan ang tatay ni KC Concepcion, huh!