Una sa Balita

Gabby itutuloy ang legacy ni Direk Maryo sa Bohol

By
0 3,322

Naikukuwento na ni Gabby Concepcion na may gagawin siyang bagong pelikula at nabanggit na niya dati pa na ang namayapang director na si Direk Maryo J. delos Reyes ang director.

Naalala namin itong kamustahin kay Gabby nang makita namin sa ikalawang gabi ng lamay para sa well-loved director sa Loyola Memorial Chapel kung tinuloy o nasimulan na ba nila.

“Ewan ko, hindi ko na alam, nalulungkot na ko dahil sa nangyari, sobra.”

Sobrang dami raw nilang pinagsamahan ni Direk Maryo at sobrang tagal na rin nilang magkaibigan. In fact, para kay Gabby, isa si Direk Maryo sa mga kasama niya noong nagsisimula pa lamang siya.

“Si Maryo, kasama ko noong nag-uumpisa ko. So isa siya sa mga pinnacle ng aking mga alaala.”

Huling beses daw silang nagkita ng director ay may tatlong Linggo lang ang nakararaan bago ito mamatay sa cardiac arrest habang nasa Dipolog City.

Madalas daw silang magkita at magkausap dahil nga may movie silang gagawin sana.

Kung sakali, titingnan daw niya kung ano ang puwede niyang gawin para maipagpatuloy rin ang legacy nito, lalo nasa bayan ng Bohol.

Sa isang banda, sa dami ng pelikulang idinirek siya ng namayapang director, ang pelikulang Totoo Ba Ang Tsismis? ang pinaka-paborito niya sa lahat.

Ang naturang movie ay isa sa mga prinodyus ng Regal Films kunsaan, sa ika-second night ng wake, matatawag itong Regal night with Mother Lily Monteverde and Roselle Monteverde na siyang nagpa-misa at nag-sponsor ng dinner para sa lahat ng mga nakiramay bilang pag-alaala at pasasalamat na rin ng Regal kay Direk Maryo na napakaraming memorable movie na nagawa sa Regal.

Project ni Direk Maryo tatapusin ni Yul Servo

Hindi pa rin mapigilan ni Cong. Yul Servo ang maging emosyunal at tumulo pa rin ang luha niya habang kausap namin sa ikalawang gabi ng wake na tinawag na Regal Night.

Sa pagsasama raw nila na parang daig pa sa magulang-anak ang relasyon nila, wala raw siyang regret na hindi niya nagawa para sa manager, pero kung may panghihinayang siya, ito ay ang hindi raw niya nakasama ng matagal bago ito mamatay.

Pero tinanong daw niya ang palaging kasama ni Direk Maryo na si Francis kung ano ang gustong sabihin sana sa kanya ng director kaya mas okey na raw siya ngayon at siguradong tutuparin niya ito.

Ano ang huling habilin sa kanya ni Direk Maryo?

“Sabi raw, huwag kong papabayaan ang Progreso Elementary School sa Bohol. Nag-project si Direk Maryo run, sinukatan niya lahat ng paa ng estudyante run para sa sapatos. At mabuti naman na nasabi niya kay Francis, yung mga notebook… itutuloy ko yun.”

Nakuwento rin ni Yul na napakarami nga raw plano ni Direk Maryo para sa Bohol. Nandiyan ang Children’s Festival, School for the Arts sa Bohol at kung natuloy yun, maraming makikinabang na Boholano na mailabas ang kanilang talents.”