Una sa Balita

Gabayan ang pamilya mula sa paglaganap ng fake news

0 448

Sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19, mistulang mas mabilis pa ang pagkalat ng fake news sa internet kaysa sa pagkalat nitong sakit.

Lubos po nating pinapayuhan ang mga magulang na maging mapanuri sa mga ulat at impormasyon na natatanggap. Nais nating paalalahanan ang bawat isa na kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal na mga plataporma at pahayagan ng pamahalaan at lehitimong mga organisasyon. Maaari ring labanan ang pagkalat ng fake news sa pamamagitan ng pagreport sa awtoridad ng mga maling ulat.

Tandaan, maging alerto sa iba’t ibang uri ng mga scam at maging ang mga pekeng donation drives na maaaring maging talamak ngayong mahaba-haba ang panahon ng mga taong nanananatili sa bahay.

Naniniwala ako na sa ating mga nakatatanda dapat magsimula ang lahat ng responsibilidad na ito. Tayo ang dapat magsilbing modelo, nang sa gayon ay maibahagi natin sa mga kabataan ang karunungan, pagiging mapagmatiyag at matalino sa pagtukoy kung ano ang totoo at ano ang hindi.

Ngayon ang wastong panahon upang ang mga batang ito ay magabayan nang lubos sa kanilang pinupuntahang mga social media page o website. Sa ganitong paraan, tiyak maiiwasan natin ang mabiktima ng ganitong klase ng krimen.

Ngunit siyempre, hindi na rin maaaring magpatuloy ang ganitong gawain. Kailangan na itong matigil ngayon din, sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga taong nasa likod nito.

Mariing ipinapaalala ng PNP sa lahat na maaaring kasuhan ng paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga nagpapakalat ng fake news. Dahil dito, hinihimok natin ang National Bureau of Investigation o NBI at ang Philippine National Police na bilisan ang pagtugis sa kanila.

Imbes na makatulong sila sa pagbabahagi ng sapat at tamang impormasyon ngayong nasa gitna ng isang public health emergency ang bansa, nagiging sanhi pa ng kalituhan at kaguluhan ang mga nagpapakalat ng maling balita.

Hangga’t wala tayong naipapakulong sa mga nagpapakalat ng mga kasinungalingan, patuloy ang mga taong ito sa kanilang paghahasik ng takot sa publiko. Hindi dapat palampasin ito!

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More