Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

GAB ipinahinto contact sports

0 238

NAGLABAS ng resolusyon ang Games and Amusements Board (GAB) upang pansamantalang pahintuin ang professional sports na may contact activities dahil sa nakataas at ipinapatupad na Alert Level 3 ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa National Capital Region (NCR) at kalapit na mga lugar.

Nitong Disyembre 31, naglabas ang IATF ng Resolution No. 155 kung saan itinaas sa Alert Level 3 ang NCR at ilang mga lalawigan dahil sa muling pagtaas ng COVID-19 cases.

Sa inilabas na anunsiyo ng GAB, pirmado nina Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioner Eduard Trinidad, ipinapahinto ng ahensjya ang ang mga contact sports activities katulad ng boxing, MMA, Muay Thai, Kickboxing, basketball, volleyball at football.

“Health and security ang priority ng GAB para sa ating mga atleta, opisyal at iba pang personnel na involved sa mga liga at aktibidad ng ating mga pro leagues and other sports. Napagdaanan na natin ito before so balikj lang uli tayo sa adjustment at konti pa uling sakripisyo,” pahayag ni Mitra.

“Papayagan natin ‘yung bubble set-up na ginawa na rin before but league officials need to seek permission to Local Government Units (LGU) sa lugar na gagawin ang liga at activities. Of course, need pa rin na sumailalim sa strict ‘health and safety’ protocol na batay naman sa Joint Admnistrative Order (JAO) na pinirmahan ng GAB, DOH at Philippine Sports Commission (PSC),” saad pa ng former Palawan Governor at Congressman.

“Meanwhile, individual workout and training shall be permitted,” litanya pa ni Mitra.

Humihingi si Mitra ng pag-unawa lalo pa’t nakabatay ang pagbabalik aksiyon ng pro contact sports sa IATF at humiling ng kooperasyon sa lahat upang makaiwas sa nasabing sakit.

“Alam natin ang pinagdadaanan ng ating mga boxers, fighters at iba pang athletes. Apektado uli ang kanilang kabuhayan, kaya ngayon pa lang humingi na kami ng pang-unawa hindi natin ito gusto, ngunit kailangan nating maging maingat dahil mahirap ang magkasakit. Buhay natin ang nakataya sa virus na ito,” saad ni Mitra.

“Kung wala pang bakuna, magpabakuna na po tayo. ‘Yung wala pang booster shot kung may pagkakataon pumila na tayo. Huwag na munang maglalabas ng bahay kung hindi naman talaga importante ang gagawin sa labas,” diin nito.

Samantala, pinapahintulutan naman ng GAB ang non-contact sports katulad ng chess, cycling, eSports at golf ngunit kailangan ay nasa 30 porsyento lamang para sa indoor game at 50% kung nasa outdoor. Kailangan ay fully-vaccinated ang mga indibidwal na lalahok, ayon sa GAB. (Janiel Abby Toralba)

Leave A Reply

Your email address will not be published.