Una sa Balita

Fratmen kanya-kanyang palusot na sa Atio slay

By
0 165

Mistulang nagkakanya-kanya na ng palusot ang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na nasasangkot sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) freshman law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.

Sa kanilang mga counter affidavit na isinumite kay Assistant State Prosecutor Susan Villanueva, parehong itinanggi nina Alex Bose at Nathaniel Anarna, Jr. na kasama sila sa initiation rites kay Castillo na ginawa sa kanilang frat library noong Setyembre 17.

Sinabi ni Bose sa kanyang 26-pahinang counter affidavit na wala siya sa kanilang frat library nang isagawa ang hazing kay Castillo at lalong hindi aniya siya kabilang sa mga pumalo ng paddle sa biktima.

Wala rin aniya siyang kinalaman sa anumang plano sa pagpapahirap kay Castillo o kahit sa group chat ng kanyang mga ka-brod, lalo na ang tangkang cover-up sa insidente para makalusot sa kaso ang mga nasasangkot na fratmen.

Samantala, nilinaw din ni Anarna sa kanyang 16-­pahinang counter-affidavit na imposibleng magkaroon siya ng papel sa insidente dahil hindi nga siya tumatapak sa kanilang frat library simula Setyembre 11 hanggang 17 kung kailan ginawa ang umano’y hazing.

Giit ni Anarna, hindi niya rin kilala si Castillo at hindi niya pa umano ito nakita.

Noong isang linggo ay nagsumite ng kanilang mga counter affidavit sina Arvin Balag, ang presidente ng Aegis Juris, ang master initiator na si Axel Hipe, John Paul Solano, Ralph Trangia at iba pang inakusahan sa kaso.

Itinanggi ni Balag na kabilang siya sa mga nag-paddle kay Castillo na naging dahilan ng pagkamatay nito tulad ng sinabi ni Marc Anthony Ventura, dati ring akusado pero sumailalim sa Witness Protection Program (WPP) kapalit ng pagtuga sa kanyang mga ka-brod. 

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More