Una sa Balita

FPJ sa LNMB, ‘di na kailangan

By
0 4

Paglilinaw ni Senador Grace Poe, wala silang planong ilipat sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ang mga labi ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. sa kabila ng pagdeklara rito bilang national artist.

Kasabay na rin ito ng paggunita kahapon ng ika-12 taong anibersaryo ng pagpanaw ng binansagang “hari ng pelikulang Filipino”.

“Bakit pa kailangan ng bantayog sa ibang lugar na mahirap abutin? ‘Pag si FPJ ay mahirap abutin, mawawala ang diwa ng pagiging FPJ niya,” ayon sa senadora sa kanyang maik­ling pananalita sa ginanap na simpleng seremonya sa Poe Mausoleum sa Manila North Cemetery na dinaluhan ng mga kaanak at malalapit na kaibigan.

Kasama ng senador ang inang si Susan Roces at kanyang asawa at mga anak.

Ayon pa kay Poe, ang kanyang ama ay nais ring dito mahimlay sa Manila North Cemetery dahil dito umano, ang mga mahihirap ay maaaring pumunta anumang oras.

Dagdag pa ng senador, masaya na sila sa naging himlayan ng kanyang ama kung kaya’t walang dahilan upang ilipat pa ito.

Pumanaw si FPJ noong Disyembre 14, 2004, ilang buwan matapos siyang matalo sa presidential elections.