Una sa Balita

Foundation Day ng PNU, mali?

By
0 168

Gusto mo bang mag-celebrate ng maling kaarawan

Minsan, parang napa­kaliit na bagay o trivial ang usapan kung ano ba ng tamang petsa ng mga makasaysayang pangyayari sa ating kasaysayan. May magbabago ba sa atin kung malaman natin sa wakas kung kailan talaga nangyari ang unang sigaw ng himagsikan sa Balintawak? O kung ang mas balidong proklamasyon ng kasarinlan ni Aguinaldo ay ang Agosto 1, 1898 sa Baccor Assembly, at hindi Hunyo 12 sa Kawit?

Mahalaga pa rin ang pagtutuwid ng mga datos sa kasaysayan kung ikukumpara mo ang pagkakaroon ng maling datos sa pagkakaroon ng maling kaarawan, lalo na kung pag-uusapan ang Foundation Day ng isang paaralan, mas lalo na kung napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Dalawa ang puwedeng pagbatayan ng petsa ng Foundation Day (Araw ng Pagkakatatag) ng isang paaralan. Una, tulad sa Unibersidad ng Pilipinas, ipinagdiriwang ito sa petsa ng pagsasabatas ng Philippine Commission Act No. 1870 na nagtatag sa Unibersidad ng Pilipinas noong Hunyo 18, 1908. At pangalawa, tulad sa De La Salle University na ipinagdiriwang sa petsa ng pagbubukas ng klase sa unang DLSC na naganap noong Hunyo 16, 1911.

Ang Philippine Normal University ay napakahalagang paaralan sa ating kasaysayan sapagkat napakaraming guro na nagturo sa bayan ang nagmula dito. Tinatawag itong ‘Inang Paaralan’ at itinuturing nilang Foundation Day ang sinasabing petsa ng unang pagbubukas ng klase noong Setyembre 1, 1901.

Ngunit napag-alaman ni Prop. Wensley Reyes, isang historyador na nagtuturo rin sa nasabing paaralan, na sinimulan lamang pala itong ipagdiwang noong ika-50 taong anibersaryo ng unibersidad. Sa ibayo pang pananaliksik ng mga primaryang dokumento, may napag-alaman siya: Walang batayan ang pagdiriwang ng Setyembre 1 dahil hindi ito ang araw na itinatag ang paaralan. Itinatag ito ng Philippine Commission nang pagtibayin ang Act no. 74 noong Enero 21, 1901.

Ngunit hindi ba maaari namang pagbubukas ng klase ang pagbatayan? Hindi ba Setyembre 1, 1901 nagbukas ang klase ng PNC sa Intramuros? Ito ngayon ay hinahamon ng ilang datos. Dalawang alumni, sina Potenciano Olayta at Conrado Benitez, ang nagsabing Setyembre 16, 1901 nagbukas ang klase. Tila wala pala itong kasiguraduhan. Liban pa riyan, nagbukas ang klase ng Manila Normal School ilang buwan bago ito, Abril 10, 1901 batay din sa Act no. 74. Naganap ito sa magiging Philippine Normal School sa Intramuros. Samakatuwid, ito ang tunay na pagbubukas ng klase ng nasabi ring paaralan.

Ayon kay Reyes, mas mainam pang ipagdiwang ang Foundation Day ng ‘Inang Paaralan’ ng Enero 21 o Abril 10. Sa ganang akin, suportado ko ito dahil kung ipinupunla natin sa mga guro ng bayan na magturo ng katotohanan na naaayon sa ebidensya, ang pagdiriwang ng Setyembre 1 bilang petsa ng pagkakatatag ay parang pagdiriwang ng kaarawan na alam na nga natin na mali.