Una sa Balita

Foreign debt ng ‘Pinas nadagdagan ng $8B mula 2016

0 880

HALOS US$8 bilyon ang dumagdag sa foreign debt ng Pilipinas simula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umaabot na sa $82.7 bilyon ang foreign debt ng Pilipinas noong katapusan ng Setyembre samantalang nasa $74.8 bilyon lamang ito nung katapusan ng 2016.

Ang pinakamalaki ang pautang sa Pilipinas ay ang Japan na nasa $14.8 bilyon, kasunod ang Estados Unidos na $4.3 bilyon ang kabuuang pautang.

Pangatlo sa pinakamaraming pautang sa Pilipinas ang United Kingdom sa $3.6 bilyon at sumunod ang Netherlands sa $3.1 bilyon. Ang Taiwan ay may $2.2 bilyong pautang sa Pilipinas at ang pautang naman ng Hong Kong ay nasa $1.7 bilyon.

Mas malaki ang pautang ng Taiwan at Hong Kong sa Pilipinas kumpara sa China na nagsimula lamang magpautang sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ayon sa BSP, nasa $925 milyon pa lamang ang pautang ng mainland China sa Pilipinas.

Marami nang bansa ang naghirap dahil sa pautang ng China. Ang Sri Lanka, halimbawa, ay nabrasong ibigay ang Hambantota port sa China noong 2017 nang mahirapan itong magbayad.

Kumpara sa ibang development assistance loans ng Pilipinas, mas maiksi ang grace period na binibigay ng China dahil ito ay nasa pitong taon lamang samantalang ang sa Korea ay 10 taon at ang sa Japan ay 10 hanggang 12 taon. Mas mataas din ang interes ng China sa pautang na nasa 2% samantalang ang sa Korea ay nasa 0.15% lamang at ang Japan ay nasa 0.1% hanggang 0.3% lamang.

Tanging ang China lang din ang naniningil pa ng management fee na 0.3% na sinisingil nito sa nangungutang bago i-release ang pera. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More