Una sa Balita

Food blockade: Hindi makatao

By
0 11

Sa bakbakang nagaganap sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at kalaban ng estado, tulad ng New People’s Army (NPA), lalo na kung dikdikan – ang karapatang sibil o civil rights ang unang kaswalti.

Sa bawat operasyong militar na isinasagawa, mula man sa gobyerno o rebeldeng grupo, pangunahing apektado ay ang komunidad, lalo na kung may ‘checkpoint’.

Kalimitan, ang ‘checkpoint’ ay ipinatutupad ng militar at pulis. Kung magsasagawa man ang NPA, madalian lang ito para makakilos ang kanilang grupo – ‘strike and disperse’ matapos ang operasyon.

Sa bawat ‘checkpoint’, ang galaw ng mga tao sa komunidad ay nali­limitahan, monitored ng estado ang pagkilos ng mga sibilyan, maseguro lamang na ang mga rebelde ay hindi makakapasok o makalalabas.

Ang ‘food blockade’ ay ipinatutupad rin ng estado lalo na sa lugar na katatapos lamang ang banatan sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng gobyerno.

Natural lamang itong reaksiyon ng gobyerno – lalo na kung nalagasan – hindi dapat makarating sa mga rebelde ang mga suplay, tulad ng pagkain at mga gamot.

‘Yon nga lamang, apek­tado ang buong komunidad, ang mga sibil­yan ay nadamay lamang.

Ang mga sibilyan ang pumapasan sa matinding epekto ng militarisasyon sa kanayunan.

Sa layuning gutumin ang kalaban ng estado, ang komunidad ang siyang naaapektuhan.
Barbarikong gawain ito.

***

Sa panahong ito na mayroong matingkad na salungatan sa pagitan ng gobyerno at ng Komisyon ng Karapatang Pangtao, napapanahong kumilos ang mga tinatawag na ‘civil libertarians’.

Sa mga panahon na hindi pa naitatatag ang Commission on Human Rights o CHR, mata­pang na nanindigan ­laban mga paglabag sa karapatang pangtao ang mga personalidad tulad nina Don Chino ­Roces, Soc Rodrigo, Jose W. Diokno, Ambrosio Padilla, Eva Estrada Kalaw, Dean Armando Malay at iba pa.

Ka Waldy Carbonnel at Atty. Ric Valmonte, kumusta na kayo?

***

Ang lupit ng aku­sasyon ni Atty. Larry Gadon, naghain ng reklamong impeachment laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, na isang oligarko ang handang bayaran ang lahat ng senador maabswelto lamang ang Punong ­Mahistrado.

Tumataginting na tig-dalawang daang milyong piso ang halaga ng boto ng bawat Senator-Judge.

May hinihintay pang kumpirmasyon si Gadon, bago pormal na isiwalat sa publiko ang oligarko.

Ang hustisya ba talaga sa Pilipinas ay may katapat na halaga?

Tanong po lamang.