Una sa Balita

Floirendo tutuluyan sa House probe

By ,
0 259

Suportado ng mga militanteng mambabatas na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara ang hakbang ni Speaker Pantaleon Alvarez na busisiin nang husto ang P25 bilyong banana scam na kinasasangkutan diumano ng Tagum Development Corp. (Tadeco) na pag-aari ng angkan ni Davao del Norte Rep. Antonio ‘Tonyboy’ Floirendo Jr.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, susuportahan ng Maka­bayan bloc ang inihaing House Resolution 867 ni Alvarez na humihirit na imbestigahan ang diumano’y “grossly disadvantageous contract” na pinasok ng Bureau of Corrections (BuCor) at ng Tadeco.

“Yes. We need to investigate and study the agreement (between BuCor and Tadeco) immediately. Seemingly, the terms appear disadvantageous to the government. This is why we need a public investigation,” ani Tinio sa isang pahayag.

Sa pinakahuling mga pahayag, matigas pa rin at desidido si Alvarez na isulong ang congressional probe laban sa matalik na kaibigan at numero unong campaign donor ni Pangulong Duterte na si Floirendo.

“Seryoso ako diyan. Wala pong urungan ‘yan hangga’t ‘di natin maibigay ang hustisya sa gobyerno,” ani Alvarez dahil panahon na umano na ang gobyerno o ng taumbayan ang makinabang sa 5,308-ektaryang lupain ng BuCor sa Davao na tinaniman nito ng saging at naging dahilan umano para yumaman umano ang pamilya ni Floirendo.

Nagsimulang arkilahin ng Tadeco ang lupa ng BuCor sa Davao noong 1963 at noong 2004, o panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na-renew ang kontrata.

“Ngayon ang sa akin naman alam mo kumita ka na diyan, yumaman ka na diyan, hindi ka naman dapat yumaman ng ganiyan kayaman kundi dahil sa lupain na ‘yan. Ngayon sa akin naman ‘yung renewal ng contract… pakitain mo naman ‘yung gobyerno,” ani Alvarez.

Hindi matanggap ni Alvarez na P5,000 bawat ektarya lamang ang arkila ng Tadeco sa nasabing lupain at binigyan lang ng P1.30 ang BuCor na parte sa bawat isang kahong saging na naaani.

Tinataya ni Alvarez na lugi ang gobyerno ng mahigit P1 bilyon kada taon sa nasabing kontrata na magtatagal hanggang 2029 o 25 simula noong 2004 at puwede pang palawigin ng panibagong 25 taon.

“Huwag naman masyadong greedy… ‘yung gahaman ano. Ibigay naman natin sa gobyerno ‘yung dapat sa gobyerno, lalung-lalo na siya isang official ng gobyerno at isang mambabatas,” ayon pa kay Alvarez.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy