Una sa Balita

Flashflood sa Laguna, 3 tinangay

By
0 3

Isang bata ang patay habang dalawa pa ang nawawala matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig sanhi ng flashflood na nangyari sa Dalitiwan River sa Majayjay, Laguna kamakalawa ng hapon.

Narekober ang katawan ni Christine Althea Alemania kahapon ng tanghali sa Barangay Ba­lanak sa Bayan ng Magdalena, humigit kumulang 20 kilometro ang layo mula sa Dalitiwan Resort kung saan sila tinangay ng ma­lakas na agos.

Kasalukuyang pinag­hahanap ang dalawa pang nawawala na si Vanessa Carillo, 33-an­yos, re­sidente ng Dasmariñas, Ca­vite at tatay ng bata na si Bryan Alemania, 34, residente ng Banay-Banay, Cabuyao, Laguna.

Sinasabing ang mga biktima ay ilan sa daan-daang nagpi-picnic sa Dalitiwan Resort na nasa Brgy. Ila­yang Banga na ilang metro lamang ang layo sa Majayjay-Lucban Road.

Ayon sa report ng Majayjay police, dakong alas-4:30 ng hapon, big­lang lumaki ang tubig at lumakas ang agos sa nasabing ilog kung saan matatagpuan ang pangu­nahing attraction na Dali­tiwan Falls na dinarayo ngayon ng mga lokal at dayuhang turista.

Marami sa mga turista ang nakatakbo agad sa ligtas na lugar.

Malakas na pag-ulan mula sa may bahagi ng Mt. Banahaw area kung saan nanggagaling ang tubig na dumadaloy sa Dalitiwan River ang itunuturong sanhi ng flashflood.

Samantala, itinigil na rin muna ang operasyon ng Dalitiwan Resort at maging ang Taytay Resort na ‘di kalayuan sa una at isa rin sa mga falls na dinarayo sa Bayan ng Majay­jay.