Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Financial literacy training para sa mga Pilipino

0 12

Napapanahon na po upang matuto ang mga Pilipino ng mga kasanayan sa tamang paggasta, pag-iimpok, at pagpapalago ng kanilang kinikita para umasenso at para sa mas matatag na kinabukasan. Ito po ang tinatawag na Financial Literacy.

Ngayong may pandemya, nakita po natin ang kahalagahan ng tamang paggasta, pagtitipid, at pag-iimpok. Kasabihan nga ng mga matatanda na “kapag may isinuksok, may madudukot.”

Nararanasan po natin ang pinakamataas na unemployment rate sa kasaysayan at ang pagliit ng ating ekonomiya sa pinakamababang antas mula pa noong 1947 pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang ganitong mga pagkakataon ang nag-uudyok sa ating alagaan ang ating kinikita mula sa ating trabaho o hanap-buhay at palaguin ang kaunting ipon na meron tayo.

Mahirap naman po na kada kinsenas, ang iniisip lang natin ay kung anong bibilhin o i-a-add to cart sa mga online stores kahit hindi naman talaga natin kailangan. Ubos-ubos biyaya, bukas nakatunganga, di po ba?

Mas nakakalungkot po na minsan pagdating ng sweldo natin, ang iniisip natin ay kung aling mga utang ang babayaran, at pagkatapos ay mangungutang na naman tayo ng pang araw-araw na gastusin hanggang sa sunod na sweldo.

Kung tayo po ay may mga kapamilya o kaanak na OFW, mas dapat tayong matuto ng mga pamamaraan para hindi mapunta sa wala ang regular nilang padala o remittance.

Ito po ang dahilan kung bakit importante sa inyong Tesdaman ang Financial Literacy para sa mga Pilipino.

Layunin po natin ang pag-asenso ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng trabaho, edukasyon, serbisyo, at dignidad sa trabaho. Subalit kung hindi magagamit ng mga manggagawa nang wasto ang kanilang kita, mahihirapan po talagang makaranas ng asenso o masayang pagbabago.

Nakita naman din po ninyo marahil sa mga pagdinig ngayon sa Senado kung paanong maging ang ating gobyerno ay nangangailangan din ng Financial Literacy and Training hinggil sa tamang paggamit ng pondo lalo nangayong panahon ng pandemya.

Nang ilunsad natin ang TESDA Online Program (TOP) noong 2012, isa po ang Financial Literacy sa layunin nating maiparating sa ating mga kababayan.

Sa ilalim ng entrepreneurship program ng TOP, matututo ng mga tamang diskarte para maka-ipon at guminhawa sa buhay ang ating mga kababayan.

Noong mga unang linggo natin sa Senado noong 2016, ang “Financial Literacy for Workers Act” ang isa sa mga pinakaunang panukalang batas na isinumite natin sa Senado.

Nakiisa rin po tayo sa mga inisyatibo ng ilang mga pribadong kumpanya, tulad ng Globe GCash, na humihikayat sa ating mga kababayang matuto sa pag-aalaga ng kanilang salapi.

Sinuportahan din po natin ang iba pang mga panukala sa Senado na naglalayong maisama ang financial literacy sa kurikulum ng ating mga paaralan tulad ng Senate Bill No. 1192 o ang “Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act of 2019”.

Marami daw po sa ating mga Pilipino ang “one day millionaire”. May ilang mga pag-aaral na nagsasabing walong porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nag-i-invest.

Samantala, nangunguna naman ang mga Pilipino sa buong mundo sa haba ng inilalaang oras sa internet na umaabot ng mahigit sampung oras kada araw.

Kung mailalagay po natin ang financial literacy sa mga online platform tulad ng ginawa natin sa TESDA Online Program at tulad ng mga serbisyo ng mga pribadong kumpanya tulad ng Globe Gcash, mas mabibigyan ng kaalaman ang ating mga kababayan sa pagba-budget, pag-iimpok, at pagpapalago ng kanilang pera.

Bilang inyong Tesdaman sa Senado, naniniwala po tayo na malaki ang magagawa ng training at tuloy-tuloy na pagkatuto para umasenso sa buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.