Una sa Balita

Finalist ang Cainta

By
0 601

Nandito ko nga­yon sa Baguio. Kararating ko lang ngayong tanghali. Bababa rin bago maghatinggabi. Re­cognition night kasi ng PMAP, People Ma­nagement Association of the Philippines. Ang Cainta ay isa sa mga finalist para sa taon at bibigyan ng parangal mamayang gabi. Merong tatlong kategoryang pagtatalunan. ‘Yung Emplo­yer of the Year, People Manager of the Year at saka ‘yung People Program of the Year.

Paano ba nagsi­mula ito? Isang araw, may 2 babaeng nagpunta sa aking opisina at sumama sa pila ng mga taong ibig akong makausap. Dahil sa dami ng tao, hindi ko sila agad napansin at nakausap ko na lamang nu’ng mauubos na ang mga bisita. Nanonood na pala sila at pinagmamasdan ang galaw ng opisina.

Sa pagbungad nila, nagpakilala silang mga kinatawan ng PMAP na tumutukoy na mga kompanya at ahensiyang pamahalaan na bibigyang pugay sa taong ito. Pumunta sila sa akin para sabihing kami ay na-nominate. Nagulat na lang ako dahil ‘yung nominasyon, para sa tatlong kategorya: bilang pinakamagaling na employer ng taon, bilang people manager ng taon, at bilang ahensiya na may natatanging programa ng taon.

Nagkaroon ng interview sa mga department head, AVP presentation ng aming­ mga programa at ocular inspection ng ospital. ‘Yung ospital kasi ang sinali sa program of the year. Sinagot namin ang mga tanong, inikot sila sa mga lugar na may kinalaman sa aming inilaban at nagpalabas ng 15 AVP presentation ng Cainta ngayon.

Bumalik sila makalipas ang isang buwan para sabihing pasok sa finals ang Cainta sa tatlong kategorya. Pakiramdam ko nga­yon? Wala lang. Ayos lang. Tama na kasi sa akin na nabilang kami at napansin. Sa dami nang maayos na patakbo, kami ang nakita. Sana man lang, kahit sa maliit na paraan, makatulong naman ako sa pagbabago ng paningin ng tao sa gobyerno. Hindi ‘yung puro na lang masama ang sinasabi ‘pag ikaw ay nasa gobyerno.

Tatapat kami sa mga pribadong kompanya na kapwa hinahangad na matanghal na pinakamagaling kahit man lang sa isa sa tatlong kategor­ya. Makikihalubilo kami mamayang gabi sa mga matatalino, mararangal at piling mga pinuno ng mga pribadong kompanya na walang hinangad kundi ang isang matinong gobyerno. Kami ang kakatawan sa isang sector na madalas pagdudahan, kutyain at maliitin.

Marami na ring mga award ang natanggap ng bayan namin sa nakalipas na 5 taon. Karamihan dito ay patungkol sa maayos na pamamahala at prog­ramang nagbigay ng malaking tulong sa mga mahihirap. Ano ba ang epekto nito sa amin? Napansin ko lang na parang nagkaroon ng pride ang mga nakatira rito sa Cainta at pinagmamalaki na sila ay tagarito ‘pag may balita silang tulad nito… kuwento nang maayos na palakad at matinong gobyerno… at sa kabuuan, na may magandang nangyayari dito sa aming bayan…
Aabangan ko na lang mamaya.