Una sa Balita

Female personality ‘A’ hindi kayang iwan ang lalaki para sa pamilya

By
0 349

Marami nang nagtangka pero lahat ay nabigo. Nagtulay na ang maraming personalidad para pagkasunduin ang dalawang pamosong babaeng personalidad pero walang tulay na nabuo at pader pa rin ang naiwanan.

Mahigit na isang dekada na silang hindi nag-uusap, may galit sila sa isa’t isa, emosyon na kung mag-uusap lang sana sila nang puso sa puso ay maisasantabi.

Pero merong ayaw isuko si Female Personality A. ‘Yun lang ang kaisa-isang pabor na hinihingi sana ni Female Personality B pero hindi maibigay-bigay ng mas nakatatandang aktres.

Abante Hiring – IT dep

Kapag nawala na ang taong nakahaharang sa kanilang pagkakasundo ay muling mabubuo ang kanilang pamilya na tulad nang dati. Pero hindi isinusuko ni Female Personality A ang taong ‘yun.

Kuwento ng aming source, “’Yun na lang, e! ‘Yun lang naman ang hinihingi ni Female PersonalIty B at ang iba pa niyang mga kapatid, ang hiwalayan na ang lalaking totoong dahilan kung bakit hindi sila nagkakasundo.

“Pero hindi ‘yun maibigay sa kanila, kaya feeling ng magkakapatid, e, mas pinili pa ni Female Persona­lity A ang lalaki kesa sa kanila. ‘Yung lalaki na lang ang problema, wala nang iba,” unang pahayag ng aming kausap.

Ayon sa aming source ay may katwiran din naman ang mas nakatatandang aktres kung bakit hindi niya maibigay ang hinihiling ng mga taong matagal na panahon na niyang hindi nakakasama.

Sabi uli ng aming impormante, “Nagkaroon kasi ng panahon na na-test niya ang katapatan sa kanya nu’ng guy. Nagkasakit siya nu’n, wala siyang kasamang kahit sinong kapamilya niya, ‘yung lalaki lang ang nag-aalaga sa kanya.

“Saka hindi lang pera ang habol sa kanya ng guy dahil ‘yun ang lowest part ng buhay at career niya. Maraming kaibigan niya ang lumayo na sa kanya, maraming taong natulungan niya ang tumalikod din sa kanya, ‘yung lalaki lang ang nakasama niya sa matinding hirap ng buhay.

“Sana, makita rin ‘yun ng mga taong galit na galit sa lalaki. Nu’ng wala sila sa tabi ni Female Personality A na dapat, e, nandu’n sila, ‘yung guy lang ang nagmalasakit at nagmahal sa kanya,” pagtatapos ng aming source.