Una sa Balita

FDA, LTFRB, LRA talamak sa red tape

0 368

TINUKOY ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang tatlong ahensiya ng gobyerno na talamak ang problema sa red tape.

Sa ginanap na economic briefing sa Malacañang, pinangalanan ni ARTA Director General Jeremiah Belgica ang mga ahensiya na Food and Drugs Administration (FDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Registration Authority (LRA).

Sinabi ni Belgica na tambak ang inabutan nilang reklamo sa FDA at binigyan ang ahensiya ng pagkakataon na ipakita ang kanilang presentation para sa strategic planning sa 2-7-20 processing sa susunod na linggo.

Para naman sa LTFRB, sinabi ng opisyal na iniutos na sa board ang pagpapatupad ng mga reporma kaugnay sa isyu ng mga hindi pa natutugunang pagpapalabas ng mga plaka at rehistro ng mga sasakyan at iba pang transaksyon sa ahensiya.

Sa kaso naman sa LRA, sinabi ni Belgica na iginiit nila sa ahensiya ang modernisasyon para mapabilis ang conversion ng electronic titling sa mga inaamag na titulo ng mga lupain.

“‘Yung FDA alam po natin na ‘yan ay patuloy na­ting nirereporma dahil santambak ang inabutan sa kanila. Second ‘yung LTFRB dahil sa reklamo sa TNVS at pangatlo ay ang LRA na mabagal sa pagproseso sa mga transaksyon nila,” ani Belgica.

Nauna rito, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na limang ahensiya ng pamahalaan ang talamak sa red tape, at tatlo nga rito ang binanggit ng ARTA habang ang dalawang iba pa ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).

Sinabi ni Belgica na patuloy silang nakabantay sa mga ahensiyang may malaking problema sa red tape at kapag hindi sumunod sa direktibang 3-7-20 policy ng gobyerno ay kakasuhan ang mga ito.

“Kailangang pagbutihin ang kanilang reporma dahil kung hindi ay mapipilitan ang ARTA na manghimasok diyan and even file cases kung ayaw nitong sumunod,” dagdag pa ni Belgica. (Aileen Tali­ping/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy