Una sa Balita

Fare discount sa mga estudyante, isabatas — Angara

By
0 724

AMINADO si Senador Sonny Angara na hindi na sapat ang simpleng circular lamang mula sa isang ahensya ng pamahalan sa halip kailangan nang isabatas ang 20% fare discount sa mga estudyante.

Ito anya ay upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang pagbibigay ng benepis­yong ito sa mga mag-aaral.

“If we want to provide long-term assistance to our students, we need to come up with a law to institutiona­lize the regulatory policy which can always be subject to change,” saad ni Angara.

Ginawa ni Angara ang pahayag, kasunod ng paalala ng Department of Transportation (DOTr) na may diskuwentong dapat matanggap ang mga estudyante kahit weekend at holiday at ang mga lalabag dito ay mahaharap sa kaukulang parusa.

Alinsunod na rin ito sa memorandum circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) noong Oktubre na nagsasaad na epektibo ang diskuwento mula Lunes hanggang Linggo, kasama na ang summer break, legal at special holiday.

Sinabi ni Angara na ­nananatili naman ang posibilidad na hindi maayos na maipatupad ang diskuwento dahil nakabatay lamang ito sa circular.

Dahil dito, nanawagan ang senador na ipasa na ang kanyang panukala na nagpapalawak ng diskuwento ng mga estudyante.

Alinsunod sa kanyang Senate Bill 945, dapat ma­bigyan din ng diskuwento ang mga estud­yante sa MRT, LRT, eroplano at barko sa buong taon.