Una sa Balita

Fake news matitigil kung may mabibilanggo

By
0 498

Kahit anong estratehiya pa at sistema ang gawin ng gobyerno ay hindi kayang pigilan ang paglaganap ng fake news sa bansa.

Panahon na upang bigyan ng leksiyon ang mga nagpapakalat ng fake news na ang layunin ay makapanira sa imahe ng isang tao, opisyal man at kilalang personalidad o pangkaraniwang mamamayan.

Sa mga naging biktima ng fake news at na­apektuhan ang pagkatao at imahe ay makakabuting ipursige ang pagsasampa ng kasong libelo at paglabag sa Anti-Cyber Crime Law.

Lalo na ang mga kilalang pasimuno ng fake news na kaalyado ng administrasyong Duterte na agad makasuhan sa Korte at sakto ito kapag lumabas ang desisyon ng korte ay iba na ang administrasyon kung kaya’t tiyak na makukulong ang mga ito.

Hindi na kailangan pa ang bagong batas upang supilin ang fake news dahil may umiiral nang batas laban sa libelo at Anti-Cyber Crime Law na magpaparusa sa mga lumalabag dito.

Kung hindi kasi makakasuhan ang mga iresponsableng blogger na binabayaran ang ilan para manira ng isang personalidad ay hindi matitigil ang nasabing masamang gawain.

Sa mga kasaluku­yang opisyal ng gobyerno na pinaniniwalaang nagpapakalat ng fake news ay mismong ang gobyerno ang kumilos laban sa mga ito.

Pero kung wala ta­yong maramdaman at makitang kumilos ang gobyerno sa kasalukuyan ay hindi na masisisi ang publiko na ang maging persepsiyon ay may basbas ito ng administrasyon.

Pakiusap at panawagan natin sa mga korte na bilisan ang pag-aksiyon sa mga kasong may kinalaman sa fake news upang agad na mapigilan sa lalong madaling panahon ang problemang ito sa ating lipunan.

Mahalaga rin ang papel ng National Bureau of Investigastion (NBI) at PNP-CIDG sa pag-imbestiga at pagtugis sa mga umaabuso sa batas na anti-cyber crime.

Pero kung hindi makikipag-tulungan ang mga law enforcement agencies ay ang magiging persepsiyon din ng publiko ay mga robot na de-susi at hindi tapat sa taumbayan ang mga ito kundi sa mga nakaupong opisyal ng pamahalaan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy