Una sa Balita

Fake news kay Digong papakalkal sa NBI

0 980

PAIIMBESTIGAHAN ng Malacañang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang responsable sa pagpapakalat ng online fake news laban kay Pangulong Duterte kaugnay sa pagdalo nito sa ASEAN summit sa Thailand.

Kasunod ito nang kumalat sa online na pinagsabihan umano ng hari ng Thailand si Pangulong Rodrigo Duterte na umayos o mag-behave sa pagdalo nito sa summit sa Bangkok.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na malisyoso ang nabanggit na fake news at ginamit pa ang Bangkok Post para makakuha ito ng atensiyon.

Nais ng Malacañang na managot ang nagpakalat ng fake news dahil ang mismong sinisira nito ay ang magandang relasyon ng Pilipinas at Thailand.

“I will call the attention the attention of the NBI go get to the bottom of this; kung puwede gamitin iyong kanilang cyber forensic division para ma-trace kung sinoman iyong tao na nagpakalat ng fake news na ito para managot kung sino man iyon,” ani Andanar.

Nagkataon aniya na papunta siya sa Bangkok Post nitong Biyernes kaya siya mismo ang nagtanong kung may balita sila tungkol sa kumalat sa online na agad namang itinanggi ng reporter na nakausap nito at sinabing fake news ito.

Pinaalalahanan ni Andanar ang mga kritiko ng Pangulo na igalang ang Hari ng Thailand at huwag sirain ang magandang relasyon sa Thailand sa pamamagitan ng paninira gamit ang pangalan ng hari.

Hindi lamang aniya ang gobyerno ang mapapahiya kundi pati na rin ang maraming Pilipinong nagtatrabaho sa Thailand na posibleng malagay sa ala­nganin dahil sa maling gawain ng ibang tao.

“I would like to remind everybody to be respectful to his Majesty, the King of Thailand. They have been very generous and they have been very courteous good host to us, Filipinos and the rest of the ASEAN,” ani Andanar. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy