Una sa Balita

Fajardo, Pingris lalaro pa rin sa Gilas

0 1

Natapos ang kampanya ng Philippine national men’s team para makahirit ng slot sa Rio Olympics nang talunin ng New Zealand kamakalawa ng gabi sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.

Kanya-kanya na muna ang 12 manlalarong sumabak.

Pero, sa sandali umanong muling kailanganin ang kanilang serbisyo para sa national squad ay handang-handa sila.

Gaya nina June Mar Fajardo at Marc Pingris, na nagpahayag na walang problema kung sakaling imbitahin silang muli.

“Yes, why not? Kapag available ako and healthy, maglalaro ako,” lahad ni Fajardo sa panayam ng Sports5.

“Kahit paano nakikilala yung bansa natin. Alam naman natin na kaya naman nating lumaban.

Basta ilagay lang yung puso sa paglalaro. Yun naman ang puhunan sa basketball, hard work atsaka puso.

Hindi sa talent,” komento naman ni Pingris. “Basta kapag kinuha ako, maglalaro ako. Willing akong tulungan sila, willing akong maglaro.”

Sa susunod na taon ay may mga pagbabagong gagawin sa national team programa bilang paghahanda sa 2017 FIBA Asia Championship hanggang sa 2019 World Cup.

Kaugnay nito, nagdesisyon na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na panatilihin ang Gilas cadet team para sumabak sa qualifying events.

Inaasahang ang koponan ay bubuuin ng top amateur players ng bansa kaya nina Kiefer Ravena, Mac Belo, Kevin Ferrer, Jio Jalalon at Mike Tolomia.

At posibleng isama rin sina naturalized player Andray Blatche, Jordan Clarkson ng Los Angeles Lakers at NBA D-League player Ray parks.