Una sa Balita

Fajardo pang-PBA lang?

0 2,627

MABUHAY ang San Miguel Beer! Hindi nito pinalampas ang gi­nintuang pagkaka­taon noong Biyernes at ipinakita na talagang hindi ito mapipigilan maski na lumamang ng 23 puntos ang Magnolia sa Game 5 ng kanilang laban para sa Philippine Cup.

Si June Mar Fajardo ang tinanghal na hero sa nasabing laro, na hindi naman kataka-taka dahil wala naman talagang makakapigil sa kanya sa PBA. Nandoon siya nang kaila­nganin ng mga bata ni Coach Leo Austria na dumaan sa butas ng karayom para makuha ang kanilang pang-apat na sunod na kampeonato sa All-Filipino.

Ang tanong ng lahat ngayon ay kung ano pa ang kayang gawin ng San Miguel Beer pagdating ng kanilang top draft pick na si Christian Standhardinger mula sa pag­lalaro nito sa Asean Basketball League.

Ang mangyayari kasi, parang dalawa na ang magiging import ng SMB – si Standhardinger at ang kukuning import ng koponan. Aling koponan pa ang kaya silang pigilan para makumpleto nila ang nabigo nilang gawin noong nakaraang season, ang muling makuha ang pinakaa­asam na Grand Slam?

Marami ang nagsasabi na ang huling kampeonato ng SMB ay resulta ng walang tigil na pagpapalakas ng koponan, ang pagdadagdag ng mga bata at maaasahang manlalaro, ang pagpapasok ng mga bagong dugo, ang manatiling one step ahead of the competition, ‘ika nga sa Ingles.

Tama ang lahat ng mga ‘yan. Talagang hindi tumitigil ang koponan. Palaging nakatanaw sa kinabukasan ang mga opisyal ng koponan, gumagawa ng mga hakbang para mapunta sa kanila ang pinakamagagaling na manlalaro.

Mabalik tayo kay Fajardo. Sino pa ang makakapigil sa kanya para muling itaas ang korona bilang Most Valuable­ Player sa pagtatapos ng kasalukuyang season, lalo na kapag nakompleto ng koponan ang Grand Slam?

Si Standhardinger? Puwede, pero tiyak na mahihirapan ito dahil nga naka-una na si Fajardo ngayong season.

Isa na lang talaga ang gusto kong makita kay Fajardo – ang masabayan nito ang mga higante sa Asya sa mga internasyonal na torneo. Dahil sa mga nakaraang paglalaro niya sa international stage, kitang-kita ng lahat kung gaano siya kalayo sa mga pambato ng ibang mga bansa kung husay at galing ang pag-uusapan.

Talaga bang sa PBA na lang siya magpapakitang-gilas?

Pero alam ng lahat na kailangan ni Fajardo ang suporta ng SMB para magawa niya ito – ang patunayang hindi lang siya pang-PBA.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy