Una sa Balita

Fajardo, Cabagnot, San Miguel itinirik ang Columbian Dyip

By
0 1,435

Masyadong mabigat sina June Mar Fajardo at Alex Cabagnot para sa Columbian Dyip.

Kahit si John Fields na buong gabing nag-iingay, natuyuan sa dulo.

Nagsumite si Fajar­do ng 37 points at 18 rebounds, naglista ng triple-double na 20 points, 10 rebounds at 10 assists si Cabagnot at pinatirik ng San Miguel Beer ang Columbian, 129-117, sa Smart Araneta Coliseum Miyerkules ng gabi.
Tinagay ng Beermen ang pangatlong sunod na panalo para uma­ngat sa 3-3 katabla ang Magnolia at Phoenix sa fifth spot ng PBA Commissioner’s Cup.

Sadsad sa 3-5 ang Dyip.

Kahit walang Christian Standhardinger (swollen knee), may Renaldo Balkman at Arwind Santos pang naasahan si coach Leo Austria.

Pero hindi kuntento ang coach dahil para sa kanya ay malaki ang binigay nila sa kalaban.

“Malungkot ako we gave up 117 points. It’s an indication we didn’t play well on the defensive end,” ani Austria. “Kita sa body language, relax na relax.”

Tumapos si Balkman ng 27 points at 18 rebounds, may 18 at 11 si Santos.

Sa likod nina Fields, Rashawn McCarthy at Reden Celda ay naki­pagpukpukan ang Dyip hanggang bukana ng fourth pero nagsimulang maiwan nang ipagdiinan ni Fajardo ang 6-foot-10 frame sa loob.

Nilista ng four-time MVP ang 17 points niya sa fourth para balikatin ang pagkalas ng SMB.