Una sa Balita

Fajardo, bakit wala sa Asiad? Batang Gilas alagaan nang todo!

By
0 1,261

KAYO talaga, madudumi ang mga isip ninyo. Sino’ng may sabing may usapan ang San Miguel Beer at Ginebra na kailangang makara­ting ng Game 7 ang laban nila sa finals ng PBA Commissioner’s Cup?

Hayan ang nangyari, binugbog ng mga bata ni coach Tim Cone ang mga bata ni coach Leo Austria sa Game 6 para tuldukan ang kanilang panalo sa anim na laro.

Baka sa susunod na conference na gawin ang Game 7 sa Philippine Arena sa Bulacan.

Habang nagsasaya ang koponan ng Ginebra at iniisip naman ng kampo ng SMB kung saan sila nagkamali, sinisikap naman ni coach Yeng Guiao na mapatining ang dating ng national team na magdadala ng bandila ng Pilipinas sa Indonesia Asian Games.

Pero may mga tanong akong naririnig mula sa balana. Bakit pinayagan ng SMB si Christian Standhardinger na maglaro para sa koponan pero hindi kasama si June Mar Fajardo?

Hindi ba’t naglaro din sa finals ng Commissioner’s Cup si Standhardinger? Sabi nga nila, anyare?

Sa tune-up match ng national team laban sa koponan ng TNT, nagwagi ang mga bata ni coach Yeng sa iskor na 78-76. Lumakad na sila papuntang Jakarta noong Linggo nang gabi.

Kasama ang Pilipinas sa group of death sa eliminations ng Asian Games basketball tournament. Ang kalaban nila sa grupo ay Kazakhstan at China.

Kailangan nilang talunin ang isa sa dalawang koponan para makapasok sa knockout stage ng kumpetisyon. Kapag natalo sila… well.

Makakalaban nila ang Kazakhstan sa Agosto 16 at China sa Agosto 21.

Samantala, nakatutok naman ngayon ang paningin ng balana sa koponan ng Batang Gilas Pilipinas na sumali sa FIBA Under-18 Asian Cup sa Thailand.

Habang sinusulat ito ay nagpapagaling pa ng sugat ang koponan mula sa naging pagkatalo nila sa Australia.

Sabi ng isang malikot ang isip, tinalo na naman ng Australia ang Pilipinas matapos na tambakan ng mga Australian ang Gilas Pilipinas na ang coach ay si Chot Reyes. Isa ring Reyes ang coach ng Batang Gilas – ang anak ni Chot.

Kailangang alagaan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang koponan ng Batang Gilas. Kailangang solid ang koponan hanggang sa dumating ang panahon na sila na ang magdadala ng bandila ng bansa sa Asian Games, FIBA Asia  Cup at – harinawa – sa Olympics.