Una sa Balita

Faeldon at mga kasangkot…. dapat managot!

0 378

USAPANG KALUSUGAN at kababaihan
Sen. Risa Hontiveros

Tama at makatwiran lamang ang ginawang pagsisante kay Nicanor Faeldon ng Bureau of Corrections (BuCor). Malinaw pa sa sikat ng araw na hindi napatupad ni Faeldon nang tama ang kanyang sinumpaang tungkulin dahil sa pag-abuso at pagbaluktot sa batas upang paboran ang mga walang pagsisisi, hindi kuwalipikado, ngunit mga ma­yayaman at maimplu­wensiyang mga bilanggo.

Subalit, hindi sapat na basta sisantehin lamang si Faeldon. Hindi naman puwedeng tatanggalin lang ni Presidente Duterte ang kanyang mga itinalagang opis­yales sa gobyerno at asahan na makakalimutan na ito agad ng mga tao at mag-move on nalang basta-basta. Hindi dapat ganoon. Kung palpak ang ‘fire-and-recycle policy’ ng Pangulo, lalong palpak ang ‘fire-and-forget’.

Lahat ng lingkod ba­yan ay dapat isaalang-a­lang ang interes ng taumbayan sa pagpapatupad ng aming mga gawain. Iyan ang sinumpaan nilang tungkulin. May kasabihan nga na ‘bayan bago ang sarili’.

Dapat managot si Faeldon kasama ng kanyang mga kasangkot na opisayales sa kanilang paglabag sa mga alituntunin ng batas. Malinaw na malinaw na nakasaad sa Section 6 ng Republic Act 10592 na dapat parusahan ang mga lingkod bayan na lalabag sa batas na ito kung saan bukod sa pababayarang danyos ay mayroon itong permanenteng disku­walipikasyon sa anumang pampublikong tanggapan. Kasama na rin ang posibleng pagpataw ng kulong bilang parusa sa paglabag sa batas na ito.

Dapat ding imbestigahan si Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Bakit kamo? Lumalabas na tila pina­boran ni Panelo si Antonio Sanchez. Ayon sa mga ulat sa media, nakipagpulong siya ng dalawang beses sa pamilya ni Sanchez sa mismong Malacañang. Tila ginamit din niya ang kanyang posisyon para i-refer si Sanchez sa paghingi nito ng clemency sa Bureau of Pardons and Parole. Hindi tuloy nakakapagtaka kung bakit muntik ng makalabas si Sanchez sa kulungan. Ganyan din ba ka-accommodating si Panelo sa pamilya ng mga mahihirap na bilanggo?

Ako ay umaasa na ang pangyayaring ito kay Faeldon at sa BuCor ay magiging daan para itigil na ni Pangulong Duterte ang kanyang ‘fire and recycle’ na polisiya na i-recycle sa ibang puwesto ang mga sinibak niyang mga opisyales na nasangkot sa korapsyon at kapabayaan sa tungkulin. Ang pagre-recycle ni Duterte sa mga kuwestyonableng opisyales ay isang mala­king hadlang sa kampanya laban sa katiwalian at para sa mabuting pamamahala. Kitang-kita ito kay Faeldon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy