Una sa Balita

Face-to-face sa isang millenial

0 256

Noong ­nakaraang ­Sabado, naka ­face-to-face interview ko ang 18-­anyos na si Georgia Isabel P. ­Limcaoco. Bagong ­graduate sa high school si Georgia at naghahanda sa pagpasok sa kolehiyo sa ­pagbubukas ng eskuwela ngayong ­Setyembre.

Madalas nating mari­nig ang mga komentong karamihan hinggil sa mga teenager na kung tawagin ay mga “millenials” – isang bansag na madalas ay negatibo ang dating.

Si Georgia ay mula sa angkan ng mga Limcaoco sa Laguna. Isang pamilya na matagumpay sa negosyo mula pa sa kanyang lolo. May negosyo sila sa real estate, banking, automotive at hotel & restaurant.

Ano ang kakaiba kay Georgia?

Noong isang taon, ­inilunsad ni Georgia, at ng nakababatang kapatid na si Carmel, ang ­KuwentoBus Philippines. Ito’y isang ­mobile library para mabigyan ng pagkakataon ang mga batang estudyante sa bayan ng Cabuyao na makaranas magbasa ng mga libro.

Sa murang edad, kung saan karamihan ng kanilang mga ka-edad ay nag-e-enjoy sa masayang kabataan, ang magkapatid ay sumabak na sa isang seryosong serbisyo publiko.

Noong musmos pa si Georgia, lagi raw siyang binabasahan ng librong kanyang mommy at ­daddy at dito nahubog ang kanyang hilig sa ­pagbabasa. Dumating daw siya sa punto na hindi na siya ­makahintay sa mga magulang niya na magbasa para sa kanya.

Nagkataaon naman na ang kanilang pamilya mula pa sa kanyang lolo ay malaki ang ­pagpapahalaga sa edukasyon. Bilang pasasalamat sa matagumpay na buhay, ang pamilya Limcaoco, sa pamamagitan ng foundation na itinayo nila bilang pagunita sa matandang Limcaoco, nagsasagawa na ng mga outreach program na may kinalaman sa edukasyon.

Mula sa pagbibigay ng mga libro bilang donasyon sa mga bata, unang naisip ng pinsan ni Georgia ang pagtatayo ng library para sa mga bata kanilang ­komunidad. Dahil nangibang bansa ang nasabing pinsan para mag-aral, naiwan kay Georgia ang ­pagtutuloy ng plano, doon na nga naisilang ang KuwentoBus.

Gaya ng pangalan, ito ay isang bus na ­pinalitan ang mga upuan para maging isang ­silid-aralan. Puno ng mga libro ang bus na dinadala sa ­komunidad ­tuwing Sabado. Babalik ito sa loob ng 12 linggo para tapusin ang isang cycle ng pag-aaral.

Ang bus ay nakuha ni Georgia sa isang rental company na luma. Inayos nila ang bus at ginawang isang silid aralan. Ang mga libro ay mga donasyon mula sa mga kakila at kaibigan na kanilang pamilya.

Ang mga nagtuturo, na pawang mga ­volunteer ay mula naman sa ­Institute for ­Foundational ­Learning, isang matatag na NGO na involve sa mga ­educational centers sa iba’t ibang panig ng ­Pilipinas. Mayroon itong sariling paaralan sa Cabuyao na ­itinatag para sa pag-aaral ng mga ulilang paslit.

Ganap na nabuo ang konsepto at ­plano nang ­makilala ni ­Georgia ang mga ­taong IFL, kaya noong Agosto 2018 ay pormal na inilunsad ang KuwentoBus.

Bukod sa pagbabasa ng mga libro, ­nagkakaroon din ng mga tutorial sa pagbabasa. Hindi rin nawawala ang storytelling session kung saan binabasa ng volunteer ang isang libro nang ­malakas habang nakikinig ang mga bata.

May mga ­pag-aaral din sa kultura sa pamamagitan ng mga sayaw at awitin.

Sino ang mag-aakala na ang isang labing walong taong gulang na dalaga, na sa halip ­atupagin ang paghahanda sa kaarawan, ay ­ginugol ang oras para makatulong sa kabataan sa bayan ng kanyang lolo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy