Una sa Balita

F2 import inihandog ang panalo sa utol

By
0 38

Ikinubli ni F2 Logistics import Maria Jose Gonzales Perez ang pagdadalamhati sa pagpanaw ng nakakatandang kapatid at inayudahan ang Cargo Movers na maibigkis ang sariling kasaysayan sa pagrereyna sa 5th Philippine Superliga 2017 Grand Prix Sabado ng gabi sa MOA Arena.

Ipinaalam mismo ni F2 head coach Ramil de Jesus ang situwasyon ng Venezue­lan import reinforcement niyang si Perez matapos maselyuhan ang 25-20, 25-19, 20-25 at 25-18 panalo kontra Petron Blaze Spikers sa ‘walang bukas na pangatlong laro sa serye’ at iuwi ang pinakaunang korona sa import-reinforced women’s volleyball season ending conference.

“Saludo ako sa kanya, napaka-propesyonal niya,” sabi ni De Jesus kay Perez. “Hindi siya nagpakita ng anumang personal na problema niya sa amin. Nalaman ko lang noong sinabi sa akin ni Cha (Cruz) na namatay, Biyernes ng umaga ang kanyang panganay na kapatid sa cancer,” sabi ng coach.

“Usually, kung tayo iyan ay apektado na tayo sa emosyon natin pero siya (Perez) ay sinabi niya kay Cha na ‘wag na sabihin para hindi maapek­tuhan ang team at magpo-focus din siya sa laro para matulu­ngan kami na makuha namin ang panalo,” amin ni De Jesus.

Ipinamalas ng da­ting miyembro ng Venezuelan national team ang buong husay sa pagtala nito ng 24 puntos mula lahat sa atake para tulu­yang itulak ang Cargo Movers na makaahon mula sa nalasap na unang kabiguan sa serye tungo sa ikalawang titulo ng Cargo Movers sa torneo.

Ang mahusay na paglalaro ni Perez ay nagbunga din upang kilalanin itong MVP sa torneo.

“Actually, hindi siya ang original choice namin as import but she was recommended­ to us by Lindsay (Stalzer)­. Medyo hindi pa maganda ang laro nila sa una but noong magamay na nila ang laro ng bawat isa ay talagang hindi na kami nahirapan para makabalik sa championships,” sabi pa ni De Jesus.