Eye opener na naman
By Milky RigonanTuwing may mga palpak at aberya na apektado ang maraming mamamayan, lagi na lang reaksiyon ng mga opisyal ng gobyerno, ‘dapat magsilbing eye opener’.
Hindi first time ang nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes nang gabi nang sumadsad ang Xiamen Air na nagresulta ng pagkaparalisa ng operasyon ng pambansang paliparan nang mahigit 36 oras.
Ilang administrasyon na ang dumaan pero hanggang plano lang at hindi man lang naka-take off ang mga rehabilitation plan maging ang pagtatayo ng bagong airport.
Kaya nang mangyari ang aberya sa NAIA noong Biyernes, halos magasgas ang salitang ‘eye opener’.
Kung naging long term sana ang plano ng mga nagdaang administrasyon, eh dapat ngayon kahit papaano ay hindi mukhang kulelat ang NAIA kumpara sa mga airport ng mga kapitbahay nating mga bansa sa Asya.
Nang mangyari ang aberya noong Biyernes, ramdam na ramdam ang pagiging 3rd world ng Pilipinas. Walang makuhang equipment para mahila ang sumadsad na eroplano. Ilang araw natulog sa sahig ng paliparan ang maraming mga pasahero.
Kulang sa communication sa kanilang mga pasahero ang mga airline company at iba pang perwisyo.
Ilang beses ba na ‘eye opener’ ang kailangan para mamulat ang mga opisyal ng gobyerno na panahon na para ma-decongest ang NAIA?
Sa Agosto 29, sasalang na ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), Manila International Airport Authority (MIAA), mga kinatawan ng Xiamen Air at iba pang airline company sa gagawing Senate hearing.
Aalamin ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ang mga pagkukulang, at kung papaano mas mabilis na makatutugon ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kapag nagkaroon muli ng aberya sa NAIA.
36 oras na paralisado ang NAIA nang sumadsad noong gabi nang Agosto 17 ang Xiamen Air kaya libo-libong mga pasahero ang naperwisyo. Tulad ng inaasahan, kahit kasalanan ng Xiamen Air, ‘di maiiwasan na mapagbuntunan ng sisi ang DOTr at MIAA.
Pero kahit malala ang naging aberya sa NAIA na nakaperwisyo hindi lamang sa maraming mga pasahero kundi maging sa ating ekonomiya, naniniwala ang nakararaming senador na hindi ito ang panahon para magsisihan at ipanawagan ang resignation nina DOTr Secretary Arthur Tugade, MIAA General Manager Ed Montreal at iba pang airport authority.
Gusto ng Senado na magkaroon ng konkretong solusyon ang gobyerno para mabilis na makakilos ang mga concerned government agency para matulungan ang mga apektadong pasahero sakaling maulit muli ang aberya. Bukod sa Clark at Subic, kinukunsidera rin ang Sangley Point sa Cavite at ang pag-convert sa lupa ng Nayong Pilipino para makapagtayo ng runway sa halip na casino.
Kailangan din isabay ang rehabilitasyon ng railway system sa bansa para mas mapabilis ang travel time kung ililipat ang operasyon ng airport sa labas ng Metro Manila.