Una sa Balita

Extramarital affair, pangongotong sinisilip sa inambus na tao ni Bato

By
0 642

Extramarital affairs, trabaho at mga kasong kinakaharap ang tini­tingnan na anggulo ngayon ng Muntinlupa City Police sa ginawang pamamaril at pagpatay sa isang opisyal ng Bureau of Correction (BuCor) noong Linggo ng hapon sa loob mismo ng compound ng New Bilibid Prison (NBP) Reser­vation sa Muntinlupa City.

Sa isang panayam kay BuCor Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa Muntinlupa City Police sa isinasagawang imbestigasyon sa pagpaslang kay Insp. Romel Reyes, 41-anyos, nakatalaga sa Bureau of Reservation Security Service (BRSS).

Sinabi ni Dela Rosa, tatlong anggulo ang kanilang tinitignan na motibo sa pagpatay kay Reyes na posibleng sa ‘love triangle’, pagso-solicit umano nito ng pera sa mga presong nakapiit kapalit ng mga pabor at ang iba pang kasong na isinampa sa kanya, tulad ng paghingi ng pera sa mga preso.

Sinabi ni Dela Rosa, madiskubre nila ang umano’y paghingi ng pera ni Reyes sa mga preso kaya ito tinanggal at inilipat sa BRSS upang hindi na maulit ang kanyang iligal na gawain.

“Matagal na po siyang tinanggal dahil marami kaming natatanggap na reklamo laban dito kaya agad ko siyang inilipat sa ibang unit para hindi na lumawak ang kanyang ginagawa. Sinampahan namin po siya ng kaso dahil humihingi siya ng pera sa mga inmate para magkaroon ng dalaw,” ani ni Bato.

Bukod pa dito, sinilip din isyu ng love triangl­e kung saan mayroon umano itong mga karelasyon o extramarital affairs.

Pahayag pa ni Dela Rosa na bumuo na rin siya ng team investigators para tumulong sa isinagawang imbestigasyon ng Muntinlupa City Police para sa ika­lulutas ng pagpatay sa kanyang tauhan.

Bukod pa dito, patuloy pa rin nila binubusisi ang mga nakalagay na CCTV camera upang matukoy ang gunman na nakamotorsiklo na bumaril at nakapatay sa biktima.

Magugunitang pinagbabaril ang nasabing BuCor official sa may NBP Road malapit sa Sunken Garden ng NBP Reservation sa Brgy. Poblacion ng nasabing lungsod.

Nakasakay sa kanyang motorsiklo ang biktima dahil sa galing ito sa kaanak ng kanyang misis at ito ay papauwi na nang salubungin ng gunman ang walang sabi-sabing pinagbabaril.

Samantala, ayon naman kay Sr. Supt. Jerry Umayao, hepe ng Muntinlupa City Police, may sariling isinasagawang imbestigasyon ang NBP dahil taga-loob itong nasawi at sila naman aniya ay tumutulong din sila sa imbestigasyon.