Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Expired na pamamahala

0 338

Isang bagong kabanata na naman ng palpak na pandemic response ang binuksan ng Senate hearing kamakailan lang. Sa testimonya ni Krizle Grace Mago, isang mataas na opisyal ng Pharmally, kinumpirma niyang substandard at expired na ang mga face shield na binili ng gobyerno mula sa kanila. Nirepack lang daw nila ang basa, yupi-yupi, at naninilaw nang mga face shield. Saka nila ibinenta ito nang overpriced sa gobyerno, na siya namang nagpamigay nito sa ating healthcare frontliners.

Sa madaling sabi: kumita sila sa pandurugas. Ang talagang nakakainit ng ulo dito, inilagay nila sa panganib ang buhay ng libu-libong frontliners nating nakasalalay ang kaligtasan sa maayos na kagamitang pangkaligtasan. Siyempre, imbes na kastiguhin ang Pharmally, may mga opisyal ng pamahalaan na pinagtatakpan at ipinagtatanggol pa ang kompanya. Kayo na ang bahalang mag-isip kung bakit.

Hindi naman kailangang ganito ang pamamalakad e. Tingnan na lang natin ang ilang mga LGU na halos binuhat na ang pinakamabibigat na tungkulin ng pagresponde sa pandemyang dalawang taon nang pinasasakitan ang mga Pilipino. Lalong hindi rin kailangang isakripisyo ang kalidad nang dahil lamang sa kakulangan ng suplay. Halimbawa, noong simula pa lang ng pandemya, nakipagpartner na agad ang opisina ni VP Leni Robredo sa mga lokal na mananahi at kinomisyon silang gumawa ng mga PPE. Sa tulong ng mga doktor na kinonsulta ng kanyang tanggapan, nasiguro na medical-grade at pasado sa safety standards ang mga ito. Isang matalino, episyente, at makataong solusyon. Natugunan na ang pangangailangan, nabigyan pa ng kabuhayan ang mga naghahanap ng mapagkakakitaan.

Ganito dapat ang mga lider. Mahusay dumiskarte, mahusay lumutas ng problema, at kapakanan ng mga pinaglilingkuran ang palaging isinasaalang-alang. Malinaw na ganitong klaseng pamamahala lamang ang mag-aangat sa atin sa matagal na nating pagkakahiga bilang isang bansa. Hindi yung dinadaan tayo sa drama at mga pasirko-sirkong pagpapaliwanag. Lalo namang hindi yung rumaraket sa gitna ng sakuna, at nagbibigay ng pabor sa mga kumpare’t kakilala habang lantarang pinababayaan ang mga walang kaya.

Kaya sa darating na halalan, sa muli nating pagpili ng mga panibagong lider ng pamahalaan, kilatisin natin nang maayos ang mga kandidato. Husgahan natin sila batay sa kanilang mga nagawa’t napatunayan. Huwag sa matatamis na salita at pangakong malamang, nakaguhit na naman sa buhangin — o dolomite. Kumita na yan di ba.

Leave A Reply

Your email address will not be published.