Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-09 labas

“Kunsabagay, okay na rin na ako muna ang makaharap ni mommy or ni nanay, tapos saka na lang namin sila iseset-up ni daddy sa isang date.”

“Anak, teka, bakit dito? A-akala ko ba sa restaurant tayo magkikita?” may pagtataka at pag-aalala sa tinig ni Aling Lore nang huminto ang taxing sinasakyan nila sa harapan ng isang malaking bahay na pamilyar sa kanya.

“Pasensya na po ‘nay ha, tumawag po si Lucy e, sinabi po niya nabago yung plano, yung kasing pina-reserve niya sa restaurant napakansel niya dahil naisip niyang mas okay kung sa bahay nila tayo pupunta.”

“Pero Luisa bakit ka pumayag?”

“Nay kung nag-aalala kayo na makita si tatay,’wag po kayong mag-alala dahil nasa out of town daw po siya.”

“Paano mo nga pala nalaman ‘to? Nakapunta ka na ba rito?”

“Syempre hindi pa nay, itinext lang po sa’kin ni Lucy ang address.”

Matapos magbayad sa taxi ay saglit na tumayo ang mag-ina sa harapan ng malaking gate.

Nanariwa sa alaala ni Aling Lore ang mga panahon at pagsubok na pinagdaanan niya saksi ang malaki subalit luma ng bahay na iyon. Ang magagandang alaala pati na rin ang mga pagluha.Kung paano siya tinrato ni Donya Consuelo at kung paano siya inilayo nito kay Conrad at sa isa sa kanilang kambal.

“Nay okay lang po ba kayo?” tanong ni Luisa nang makitang nangingilid agad ang mga luha sa mata ng ina.

“Oo anak, okay lang ako.” Sabay pahid ni Aling Lore sa hindi na napigilang pagpatak ng luha.

“Tara na po, baka hinihintay na tayo ni Lucy.”

Ilang sandali lang matapos nilang magdoorbell ay nagbukas ang pinto ng gate.Isang maid ang sumalubong sa kanila at sinamahan sila sa main door.

Nakatayo na roon si Lucy at naghihintay sa kanila. Naglipat ang tingin ni Lucy sa dalawa at nahinto ito sa pagtitig kay Aling Lore.

“Lucy, ang nanay natin…” pakilala ni Luisa.

Walang anumang salita ang lumabas sa bibig ni Lucy nang bigla siyang yakapin ni Aling Lore.

“L-Lucy, anak ko!”

Unti-unting kumilos ang mga kamay ni Lucy upang tugunan ang yakap ng ina.

“N-nanay…” mahinang nasabi ni Lucy.

Habang nakamasid sa ina’t kapatid, hindi napigilan ni Luisa ang mapaluha. Para sa kanya, ang mga sandaling kagaya nito ay hindi mapapalitan ng kahit ano pa mang bagay sa mundo.

Dinala ni Lucy ang mga bisita niya sa dining area.

Related Posts

“Wow, parang inlove na inlove ka Lucy ha, puro red roses sa paligid!” puna ni Luisa sa mga dekorasyon.

“Favorite ko ang red roses, ikaw anong paborito mong bulaklak?”

“Gusto ko ang sunflower! Paborito ko kasi ang color yellow.”

“Ikaw ‘nay?” baling ni Lucy sa ina habang paupo sila sa dining table.

“Red roses rin.”

Nagulat si Lucy.

“Oo Lucy, minana mo kay nana yang pagkahilig niya sa mapupulang rosas, ang totoo nga niyan marami siyang tanim na red roses!” pagbibida ni Luisa.

“Talaga po ba ‘nay?”

“Oo anak, hayaan mo sa susunod nating pagkikita dadalhan kita.”

“Okay po at saka turuan nyo na rin akong magtanim, ang alam ko lang po kasi mamitas at tumanggap ng bulaklak!” sabay tawa ni Lucy.

Habang kumakain ay sige sa pag-oopen ng mapagkukwuentuhan nila si Lucy. Mas madaldal kasi siya kaysa sa kakambal niyang si Luisa.

Matapos kumain ay hinayaan muna ni Luisa na makapag-usap ang ina’t kapatid. Sa kinauupuang sofa ng mga ito ay bahagyang dumistansya si Luisa.

Alam niyang hihingi ng tawad ang ina sa kakambal niya sa pag-iwan dito at sa marami pang bagay, alam niyang maraming gustong sabihin ang ina at alam din niyang hindi sapat ang ilang oras nilang pagsasama kaya naman umaasa siyang ito na ang simula nang mapapadalas pa nilang pagkikita.

Habang binibigyan ng oras ang dalawa ay iginala ni Luisa ang paningin sa paligid ng kabahayan.

Ang karangyaang nakikita niya ay hinahangaan niya pero hindi naman siya nakakaramdam ng panghihinayang na dapat sana ay dito rin siya nakatira at hindi namuhay ng may kahirapan sa probinsya ng Quezon. Sa halip ay ikinatutuwa ng puso niya na hindi naranasan ng kakambal niya ang mahirap na buhay doon.

Natawag ang pansin niya sa mga photo frame na maayos na nakahanay sa ibabaw ng isang piano. Tatlong photo frame iyon, ang una ay larawan ng isang sanggol na nakakalong sa ama, ang pangalawa ay isang batang babae na naka-school uniform at ang pangatlo ay close up shot ng isang dalaga. Sa isip ni Luisa marahil lahat ‘yon ay si Lucy, at ang lalaking iyon ay ang kanilang ama.

“Mabait rin kaya siya tulad ni nanay?…” sa isip ni Luisa na ang tinutukoy ay ang ama.

Sabay-sabay silang napalingon sa pintuan ng dining room nang biglang bumungad mula roon si Conrad.

“DAD!” Gulat si Lucy dahil sa pag-aakalang nasa out of town ang ama.

Hindi naman nakaimik si Conrad nang mapagsino ang mga bisita nila. Para itong natuklaw ng ahas.

“L-Lore?”

“Conrad…”

Nagkatinginan ang kambal. Tila parehong tinitimbang ang sitwasyon.

“Dad, diba po nabanggit ko na sa inyo ang tungkol kay Luisa? I invited them…here…” (Itutuloy)