Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 442

Ika-32 na labas

Naupo si Luisa sa tabi ng kakambal.

“Sinabi ko na sa’yo ‘di ba…kinumpronta niya ‘ko nang malaman niya ang pagpapanggap ko bilang ikaw…tapos no’n iniwasan ko na siya.”

“Pero patuloy pa rin siyang lumalapit sa’yo?’

“Lucy diretsahin mo na nga ko, ano bang gusto mong marinig?”

“Gusto kong marinig kung ano ang hindi mo magawang sabihin sa’kin!” bahagyang tumaas ang boses ni Lucy.

Natigilan si Luisa. Nakadama siya ng takot na may alam na si Lucy tungkol sa nangyari sa kanila ni Migz.

“Alam mo bang maysakit siya ngayon?.. At habang nagdidiliryo siya, pangalan mo ang binabanggit niya…bakit Luisa, bakit? May namamagitan na ba sa inyo na hindi ko alam?” Nagsimulang gumaralgal ang tinig ni Lucy.

Hindi makasagot si Luisa.

“Bakit hindi ka makasagot, meron ba?…MERON BA?”

Napapikit si Luisa nang tuluyan siyang pagtaasan ng boses ni Lucy.

“Lucy…nu’ng gabing tumawag ka, at matuklasan niya na ibang tao ang kasama niya at hindi ikaw…meron siyang nagawa…meron kaming nagawa…I’m sorry…” tuluyang pumatak ang mga luhang kanina pa nagbabadya mula sa mga mata ni Luisa.

Nabigla si Lucy.

“M-May nangyari sa inyo?”

Marahan ang naging pagtango ni Luisa. Labag man sa kalooban niya pero kailangan na ni Lucy na malaman ang totoo.

Tuluyan na ring naiyak si Lucy sa katotohanang iyon.

“Paano mo nagawa sa’kin ‘to…pinagkatiwalaan kita…” sabi ni Lucy sa pagitan ng pagluha.

“Patawarin mo ako, Lucy, wala akong intensyong saktan ka…after all may kasalanan ka rin dito, alam mo bang napakasuwerte mo dahil minahal ka niya, kaya lang sinayang mo ‘yon…pero maniwala ka, kung ikaw ang nasa katayuan ko hihilingin mo rin na maging ikaw ang taong mahal niya, kaya lang hindi ko rin naman ginusto na mabaling ang pagmamahal niya sa akin dahil mahal kita, Lucy…kung pwede lang tayong magpalitan ng puso maiintindihan mo kung anong nararamdaman ko!” mahinahong paliwanag ni Luisa.

Tumayo si Lucy at nagsimulang lumakad palayo sa kapatid. Sinundan siya ni Luisa.

“Lucy!”

Huminto si Lucy sa paglakad at humarap sa kakambal.

“Mahal mo na rin ba talaga siya?…”

Hindi agad nakasagot si Luisa. Pero ayaw na niyang  magpanggap.

“Pinigilan ko…pero…ang sakit-sakit na…”

Napailing at napapikit si Lucy sa pag-aming iyon ni Luisa. Isang malakas na sampal ang pinakawalan niya para rito.

Related Posts

“Lucy, magmula nang dumating ka sa buhay ko, sinunod ko ang bawat sinabi mo, pero kung sa kabila ng lahat nasaktan pa rin kita, patawarin mo ako…”

Hindi na sumagot si Lucy, sa halip ay tuluyan­ nitong tinalikuran si Luisa at nagkulong sa ­kuwarto.

Bumalik agad sa Pilipinas si Lucy. Gusto muna sana ni Luisa na bigyan ng space si Lucy pero hindi niya ito kayang tiisin kaya agad siyang sumunod sa ‘Pinas para makipag-ayos dito.

Subalit pagdating niya sa bahay ay may iba pa palang problema ang naghihintay at kailangan muna nilang isantabi ni Lucy kung anuman ang hindi pagkakaunawaang namamagitan sa kanila ngayon.

Naabutan niyang nakatayo si Lucy sa pintuan ng kuwarto ng ama nila.

“A-anong nangyari?”

“Si dad…mukhang kailangan na nating magpaalam sa kanya…” umiiyak na sabi ni Lucy.

Sabay na lumapit ang dalawa sa ama. Hawak ni Aling Lore ang kamay ng asawa na tila gustung-gusto nang pumikit.

“Matigas talaga ang ulo ng tatay n’yo…matagal ko nang sinasabi sa kanya na kailangan niyang mamonitor sa ospital, pero mas panatag daw ang loob niya dito…ang sabi niya handa na raw siyang mawala anumang oras dahil nakumpleto na ang buhay niya mula nang makumpleto ang pamilya niya…at ang sabi pa niya pakakasalan niya ako sa mismong kaarawan niya…pero kanina ginising niya ako, at isinuot sa daliri ko ang singsing na ito, kasi baka hindi na raw niya mahintay ang araw na gusto niya akong pakasalan…ang sabi ko naman, hindi naman namin kailangang makasal, kasi noon pa man ay itinali ko na ang puso ko sa kanya…”

Ramdam na ramdam ni Luisa ang kalungkutan ng ina. At nadudurog ang puso niya na makita ang mga magulang sa ganitong sitwasyon.

Lalo na nang maglipat ang tingin ng tatay nila sa kanilang dalawa ni Lucy at tapos ay muli itong tumingin sa nanay nila at saka marahang ipinikit ang mga mata.

Bumagsak ang luha ni Luisa. Kapwa sila ­yumakap ni Lucy sa ama. At ganoon din si Aling Lore.

Libing ni Conrad. Dumating si Miguel. Matapos ang seremonyas sa sementeryo ay nilapitan ng binata ang dating nobya na pasakay na sana ng kotse.

“Lucy, pwede ba tayong mag-usap?”

“Para saan pa, Migz, alam ko na ang sasabihin mo…it’s either susumbatan mo ako o hihingi ka sa akin ng tawad kasi hindi na pala ako ang mahal mo…”

“Kung tutuusin marami akong gustong sabihin sa’yo, marami akong gustong itanong, pero mukhang wala ka pa ring oras para sa’kin, kaya iiklian ko na lang…sisimulan ko sa paghingi ng tawad, kasi hindi ko namalayan na nagmamahal na pala ako ng iba…patawad kasi nagalit ako at hindi man lang kita binigyan ng pagkakataong magpaliwanag…patawad kasi sa dami ng tao, ang kakambal mo pa ang napili ng puso ko para sa puwang na dapat ay sa’yo…”

“Pagkatapos mong humingi ng tawad, anong kasunod, Migz, anong plano mo?”

“Gusto kong humingi ng permiso sa’yo para mahalin ang kapatid mo…”

Napahugot ng malalim na paghinga si Lucy dahil sa sinabi ng ex boyfriend.

“Bago ‘yan, pwede bang permiso mo muna ang hingin ko para gawin ang isang bagay na makakapagpaluwag sa dibdib ko kahit pa’no?”

“S-sige, ano ‘yon?”

“Ito, oh!” pagkasabi niyon ay isang malakas na sampal ang pinadapo ng dalaga sa pisngi ng binata.

“Lucy!” sapo ni Migz ang pisngi niyang agad namula.

“Patawarin man kita o hindi, wala rin naman akong magagawa kung hindi na ako ang nandiyan sa puso mo… ‘wag kang mag-alala magiging okay rin ako…” pagkasabi niyon ay sumakay na sa kotse si Lucy at naiwan ang binata na inihatid na lang siya ng tingin.

Mula sa ‘di kalayuan ay nasaksihan ni Luisa ang pag-uusap na iyon ng dalawa. Hindi man niya narinig ay batid niyang hindi maganda ang pagtatapos niyon.

Nang dumako ang tingin sa kanya ni Migz ay nagbaba siya ng tingin at inaya na ang ina na umalis na rin sila. (Itutuloy)