Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 442

Ika-31 na labas

“O sige po, aayusin ko pa ang mga gamit ko, ‘Nay bahala ka na kay daddy ha, ikaw naman dad, bahala ka na rin kay nanay, spend your time together na happy lang ha! Pagaling ka na dad para matuloy na yung plano mong pakasalan si nanay, oopps, sorry nadulas ako!” natatawang paalala ni Lucy.

“Ano, kasal? Conrad totoo ba ‘yon?”

“E ano pang magagawa ko, nadulas na ang anak mo, sana next month, sa birthday ko mismo balak kitang pakasalan…”

“Wait lang nay, dad, e-exit muna ako para makapag-usap kayo ng masinsinan tungkol sa wedding plan!” pagkasabi niyon ay iniwan na ni Lucy ang mga magulang sa silid.

Desidido si Migz na makuha ang pag-ibig ni Luisa. Nangako naman siya na makikipag-ayos siya kay Lucy pero hanggang doon na lang. At gagawin niya iyon pagbalik niya sa Pilipinas. Pero habang nandito pa sila ni Luisa sa London ay hindi siya susuko hangga’t hindi niya nakukuha ang loob nito.

“Migz, anong ginagawa mo rito sa resto, nagtatrabaho ako!”

“I know, pero customer ako, at handa akong u­­m-order maghapon mabantayan lang kita rito.”

“Pwede ba, ‘wag mong gawin ‘to please?” pakiusap ng dalaga.

Napilitang tumayo ang binata at lumabas ng restaurant. Habang naglalakad ito palayo ay nakahabol tanaw naman si Luisa. Naawa na siya rito sa matiyagang panunuyo sa kanya pero wala naman siyang magawa. Kailangan niyang tiisin ang nararamdaman.

Nang bumuhos ang malakas na ulan ay nakadama siya ng labis na pag-aalala para sa binata.

Nang gabi ring iyon ay tinamaan ng lagnat si Migz.

Siya namang dating ni Lucy sa apartment. Nakuha niya ang address mula kay Luisa. Dahil walang alam ang mga kasama ni Migz tungkol sa magkakambal ay inakala nilang si Luisa at si Lucy ay iisa.

“Naku Lucy, mabuti naman at dumating ka na, parang nagdedeliryo na ‘yang si Migz ayaw namang magpadala sa ospital!” ani Roger.

“H-ha?”

“Oo, at saka sana naman maging okay na kayo, aba’y wala ng bukambibig ‘yan kundi Luisa, teka Luisa ka nga ba o Lucy parang naguluhan yata ako!” si Alma sabay kamot nito sa ulo.

Related Posts

Napakunot noo si Lucy. Dumiretso na siya sa kuwarto ni Migz. Agad niya itong nilapitan at niyakap maski natutulog ito. Nasalat nga niya ang noo at leeg nito na mainit.

“Migz, I’m here na, don’t worry everything’s gonna be okay na…”

Gumalaw ang binata pero hindi ito nagmulat ng mga mata. Sa halip ay umusal ito ng mga salitang tila kutsilyong tumarak sa puso ni Lucy.

“Luisa… Luisa… Luisa…”

Bahagyang napalayo si Lucy sa binata at naupo na lang sa gilid ng kama nito. Saglit na pinagmasdan ang nakapikit pa ring binata. Nanginginig ito sa ginaw, pero sa kabila niyon ay paulit-ulit nitong binibigkas ang pangalan ni Luisa.

Napayuko si Lucy. Hindi alam kung saan kukuha ng lakas ng mga sandaling iyon. Lalo na nang malinaw niyang marinig ang huling katagang lumabas sa mga labi ng nobyo.
“Luisa…mahal  kita…”

Marahang tumayo si Lucy at mabibigat ang mga paang humakbang siya palabas ng silid at maingat na isinara iyon.

Kinabukasan ay medyo bumuti na ang pakiramdam ni Migz. Kinuwento sa kanya ng mga kasama ang pagdating ng babae.

“Naguguluhan kami bro, ano ba talaga ang pangalan niya? Luisa or Lucy? Sabi kasi siya raw si Lucy, tapos pagkagaling sa kuwarto mo nagmamadaling umalis at parang umiiyak, ano ba talagang nangyari?”

“Ano? Dumating si Lucy?…”

Nagkatinginan ang magkakaibigan at magkakasama sa trabaho.

“Kung hindi mo alam na dumating siya, bakit siya nagmamadaling umalis at umiiyak?”

Hindi masagot ni Migz ang tanong ng kasama dahil siya mismo ay naguguluhan.

Napansin ni Luisa ang kawalan ng kibo ni Lucy mula nang dumating ito. Nagkakape ito sa terrace nang lapitan niya.

“Lucy, anong nangyari kagabi? Sa hitsura ng mukha mo mukhang hindi pa kayo nagkaayos ni Migz?”

Humigop muna ng kape si Lucy bago nagsalita.

“Luisa, sabihin mo nga sa’kin, lahat ng nangyari sa inyo ni Migz dito.” (Itutuloy)