Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 442

Ika-30 na labas

“Luisa, hindi ko pa man nalalaman ang totoo may nararamdaman na akong kakaiba… at nang malaman ko, naguluhan ako sa sarili ko, kasi hindi ko na hinahanap ang dating Lucy na nakakasama ko, mas hinahanap ng puso ko ang Lucy na nakasama ko sa mahahalagang okasyon sa buhay ko, ‘yung Lucy na nagbigay ng halaga sa akin at nagpadama ng tunay na pag-ibig… at ikaw ‘yon Luisa, ikaw ang sagot na nakita ko sa nadamang kalituhan ng puso ko.”

Nangilid ang luha ni Luisa. Pero ayaw pa rin niyang paniwalaan ang mga narinig niya mula sa lalaking itinatangi niya.

Abante Hiring – IT dep

“Miguel kung ginagawa mo ‘to para gantihan kami, para masaktan din kami o sirain kaming magkapatid, nakikiusap ako, ‘wag mo ng ituloy…” sabay bawi ng kamay niya dito.

“Wala akong gano’ng intention Luisa, nagsasabi ako ng totoo, binigyan ko ng panahon ang sarili ko para siguraduhin ang nararamdaman ko… at ngayon siguradong-sigurado na ako.”
“Gano’n lang ba kadali sa’yo na kalimutan ang pinagsamahan ninyo ni Lucy?”

“Minahal ko siya, alam mo ‘yan, pinaikot ko sa kanya ang mundo ko at kahit pa pinagmukha ninyo akong tangang dalawa, kahit pa sumama ang loob ko at inisip kong gantihan kayo sa pamamagitan ng nangyari sa’tin, hindi ko pa rin magagawa na pasakitan kayo sa ganitong paraan, mas pipiliin ko pa siguro ang lumayo sa inyo… kaya lang, pinahihirapan ako ng puso ko, kaya sana paniwalaan mo ako Luisa.”

“Umalis ka na Migz… at kung pwede ‘wag mo na ulit akong pupuntahan…” labag sa kalooban ang sinabing iyon ng dalaga, pero kailangan niyang isaalang-alang si Lucy.
“Luisa…”

“Pakiusap…” pagkasabi niya ‘yon ay tinalikuran na ng binata ang dalaga.

Sa kabila ng ginagawang pag-iwas ni Luisa kay Migz ay patuloy pa rin ang binata sa panunuyo rito. Sa tuwing may free time siya ay wala siyang ibang destinasyon kundi sa bahay ni Aunty Bel kung saan matatagpuan niya si Luisa o kaya naman ay sa pinapasukan nitong restaurant.

Related Posts

Pilit namang pinaglalabanan ni Luisa ang damdaming iyon. Para kay Lucy. Handa siyang magsakripisyo para dito. Kahit pa nakagawa na sila ng kasalanan ni Migz ay patutunayan pa rin niyang handa siyang gawin ang lahat huwag lang makahadlang sa kaligayahan nito.

“Lucy, anak, mabuti naman at naisipan mo ring magpahinga sa trabaho kahit sandali.” Si Conrad na nakahiga sa kama nito. Nakaupo sa gilid ng kama niya si Lucy.

“Dalawang linggo lang po akong magbabakasyon dad, kukumustahin ko lang si Luisa do’n… saka aayusin ko po ang tungkol sa’min ni Migz.”

Lumapit si Aling Lore na nasa kabilang gilid ng kama ni Conrad.

“Anak, kung nalaman ko lang agad ang tungkol sa mga pinagagagawa ninyo ni Luisa, sana ay napigilan ko kayo, hindi nyo man lang ba naisip ang maaaring kahantungan ng mga kalokohan ninyo?”

“Nay, hindi naman po ‘yon kalokohan lang, palagi lang po talaga akong naiipit sa trabaho at kay Miguel… napapakiusapan ko lang po si Luisa sa tuwing kakailanganin ko ang tulong niya… hindi ko naman po akalain na hahantong sa ganito… kahit text ko ayaw ng replayan ni Migz, hindi niya sinasagot ang mga tawag ko parang tinuldukan na talaga niya ang relasyon namin… si Luisa naman, ayaw ng pag-usapan ang tungkol kay Migz… pakiramdam ko tuloy naiwan ako sa ere…”

Hinawakan ni Aling Lore ang balikat ng anak.

“Kung gano’n tama ang desisyon mo na puntahan sila. Siguro naman na-realize mo na ngayon ang pagkakamali mo.”

“Mahal ko naman po si Migz e, ang pagkakamali ko lang po, hindi ko kayang isakripisyo ang trabaho ko para sa relasyon namin… pero maaayos pa naman po namin ‘to ‘nay diba?”
“Oo naman anak. Kung talagang mahal ka ni Migz, mapapatawad ka niya, at kung kayo ang itinadhana, kayo pa rin sa huli.”

“Tama ang nanay mo, tingnan mo kami, sa kabila ng lahat ng mga nangyari, pagkatapos ng mahabang panahon, heto kami, kaming dalawa pa rin ang magkasama sa huli.” Nakangiting sabi ni Conrad sabay baling ng tingin kay Aling Lore. (Itutuloy)