Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-3 na labas

“Ay oo nga pala, pa’no mo nga pala masasabi sa’kin na uuwi ka e nawalan tayo ng communication, nasira kasi ang telepono nina Aling Mameng eh! Pero mabalik ako sa tanong ko, bakit nga ba?”

Saglit na namagitan ang katahimikan, Hindi kasi alam ni Luisa kung paano sisimulan sa ina ang pagkakatagpo niya sa isang babaeng halos walang ipi­nagkaiba sa hitsura niya maliban sa damit nilang suot.

Hinawakan ni Aling Lore ang kamay ng anak.

“Kung tungkol ito sa lovelife mo, handa rin akong makinig anak.”

“Hindi po ‘nay, t-tungkol po sa… sa… ‘nay may kakambal po ba’ko?”

Natigilan si Aling Lore. Ito na nga ba ang pa­ngambang inaalala niya nang magpasyang magtrabaho at magpatuloy ng pag-aaral si Luisa sa Maynila.

“Nay?”

Iniba ni Aling Lore ang tingin niya. Tumanaw sa bintana.

“Saan… paano… nakausap mo ba siya?”

“K-kung gano’n totoo pong may kakambal ako?”

Humugot muna nang malalim na paghinga ang singkwenta anyos na matanda bago ito muling sumagot.

“P-patawarin mo ako anak… ayoko lang kasing maramdaman mo ang paghihirap ng kalooban na nandito sa dibdib ko hanggang ngayon, kaya inilihim ko na lang sa’yo ang lahat…”

Related Posts

“Lahat? Ano pong lahat ‘nay?”

Nagsimulang pumatak ang luha ng matanda habang ipinagtatapat ang katotohanan sa anak.

“Napakahirap kasi ng naging sitwasyon namin noon ng tatay mo, mayaman siya mahirap ako pero kahit na langit at lupa kami, hindi pa rin namin napigilang mahalin ang isa’t isa, at kayo ng kakambal mo ang naging bunga… kaya lang…”

“Kaya lang po ano?”

“Tinutulan kami ng Lola Consuelo ninyo, ang mama niya… dahil mga bata pa kami noon, nagdesisyon kami ng hindi pinag-iisipan, naghiwalay kami at pinagtag-isahan namin kayo…

dinala kita dito sa probinsya habang ang kakambal mo ay naiwan sa ama mo… ang totoo binalikan ko siya… binalikan ko ang kakambal mo pero wala na sila sa dating tinitirhan at walang makapagsabi kung saan sila lumipat o kung natuloy ba ang pangingibang-bansa nila…”

Pakiramdam ni Luisa ay binagsakan siya ng la­ngit dahil sa kalungkutang biglang lumukob sa kanya.

“Pinaniwala ninyo akong patay na ang tatay ko… at kung hindi ko pa nakita ang kakambal ko, mamamatay akong walang alam sa kahapon ninyo ‘nay?”

“Patawarin mo ako anak, ayoko lang na masaktan ka tulad ng sakit na nararamdaman ko hanggang ngayon… pero sa sinabi mo nabuhayan ako ng loob, puwede mo bang sabihin sa akin kung saan mo siya nakita?”

Sa halip na sagutin ang tanong ng ina ay niyakap ito ni Luisa. Sa mga sandaling iyon ay nag-uumapaw ang kanyang emosyon. Hindi niya napi­gilan ang mapaluha. Ang sama ng loob sa ina sa pagtatago nito ng lihim sa kanya ay napalitan ng pananabik na makilala ang ama at kapatid.

“Ngayong nalaman mo na ang totoo, sana walang magbago sa ating dalawa.” Si Conrad. Ang daddy ni Lucy. Magkasabay silang naghahapunan sa mahabang mesa ng dining room sa loob ng malaki at bato nilang bahay.

“So anong plano mo ngayon dad?”

“Plano?”

“Yes, plano, ever since ba hindi ka man lang nag-attempt na puntahan sila sa probinsya, kumustahin man lang o bawiin sila?” kunot noong tanong ni Lucy sa ama.

“Kilala ko ang ina mo, meron siyang isang salita, kaya alam ko nang magdesisyon siyang lumayo kasama ang kakambal mo e final na ‘yon. At saka minsan ko na silang pinuntahan pero ni-reject niya ‘yung plano ko para sa amin, kaya hinayaan ko na lang siya…” (Itutuloy)