Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 442

Ika-29 na labas

Buong pusong tinanggap ni Aunty Bel si Luisa. Pilit itinuon ng dalaga ang sarili sa trabahong inaasam niya. Ang maging chef sa isang restaurant doon. Si Migz naman ay nagpatuloy sa kanyang trabaho kasama ang team nila na pawang mga photo­grapher. Hindi niya sinasagot ang mga tawag ni Lucy. Hindi tuloy makapag-concentrate si Lucy sa trabaho sa Maynila. Nag-aalala rin siya sa kakambal niyang si Luisa kahit pa sinabi nito na okay lang naman ito.

Sa kabila naman ng pagiging abala ni Migz ay hindi mawala-wala sa isip niya si Luisa. Tutol man ang isip niya ay tila hindi niya mapapaglabanan ang isinisigaw ng puso niya. Bumabalik-balik sa kanya ang mga sandaling nakasama niya ang dalaga. Noong birthday niya na hindi niya ito napakain ng sugpo, noong sagipin nito sa muntik na pagkalunod si Michelle, noong unang beses na madampian niya ng halik ang mga labi nito nang mag-propose siya… ang pagiging tahimik, malambing at maalala­hanin nito… lalo na ang gabing ibinigay nito ang sarili sa kanya… siguradong may dahilan iyon…

Mula sa pagtutok sa camera na nakasentro sa magandang view, ay unti-unting inilayo ni Migz ang mga mata niya rito. Hindi kasi ang magandang tanawin ang gusto niyang makita… kundi ang babaeng pumalit na sa puwang na dati ay kay Lucy…

“I’m sorry Lucy… hindi ko ginusto ‘to… pero hindi ko na kayang pigilan… si Luisa na ang mahal ko…” sa isip ni Migz.

Hatinggabi na nang dumating si Luisa mula sa nakuhang trabaho. Nagmano siya sa tiyahin nang pagbuksan siya nito ng pinto.

“Luisa, you have a visitor, he’s there in the garden.”

Napakunot noo ang dalaga.

“B-bisita po, sa ganitong oras ng gabi?”

Tumango ang matandang babae.

Agad pinuntahan ni Luisa sa garden ang sinasabi ng aunty niya.

“M-Migz?”

Tumayo si Migz mula sa pagkakaupo sa bench nang makita ang dalaga.

“Kumusta ka?”

“Okay lang ako… ikaw, kayo ni Lucy?”

Related Posts

Humugot ng malalim na hininga si Migz bago sumagot.

“Hindi ko pa rin siya kinakausap.”

“Miguel, alam ko na nasaktan ka namin, pero sana mapatawad mo na kami, o kahit si Lucy na lang ang patawarin mo…”

Nilapitan ni Migz si Luisa.

“Luisa, nagsinu­ngaling ako… wala pa talagang nangyayari sa’min ni Lucy… at ginawa ko ‘yon sa’yo para kahit paano maibsan ang sakit na naramdaman ko… sana mapatawad mo rin ako…”

Napayuko ang da­laga.

“Kalimutan na lang natin ‘yon…”

“Talaga bang gusto mong kalimutan?”

Tumingin si Luisa kay Migz.

“Iyon naman ang dapat diba? anong gusto mong gawin ko i-treasure ko ang nangyari sa’tin?”

“Oo…”

Nabigla ang dalaga.

“Ano? Nababaliw ka na ba? Miguel nakikiusap ako. Wag na nating paabutin ito kay Lucy, ayokong masaktan siya…”

“Hindi mo naiintindihan Luisa… h-hindi ko na makita si Lucy dito…” sabay turo ni Migz sa puso niya.

Hindi makaimik si Luisa. Kinakabahan sa nais ipahiwatig ni Migz.

“A-Anong ibig mong sabihin Migz?”

Kinuha ni Migz ang kamay ng dalaga. (Itutuloy)