Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-25 na labas

Pero heto at pilit na namang nagsusumiksik sa isipan niya. Tila may isinisigaw na hindi niya marinig. At may nais ipakita na hindi niya maaninag man lang.

Kinausap ni Luisa nang masinsinan ang ina at ama tungkol sa nais niyang mangyari.

“Anak, ‘wag mo kaming alalahanin ng nanay mo, naiintindihan ka namin at hangad din namin ang tagumpay mo tulad ni Lucy…” si Conrad na hinawakan ang kamay ng anak na nakaupo sa gilid ng kama niya.

“Salamat tay… ‘nay?” baling ni Luisa sa ina na hindi kumikibo.

“Hoy Lore, ‘wag mong sabihing aapela ka pa, pangarap ng anak natin ang pinag-uusapan dito.”

“Ewan ko sa inyong mag-ama…e ano pa nga bang magagawa ko kung nagdesisyon na kayo.”

Nilapitan ni Luisa ang ina at yumakap sa likuran nito.

“Nanay, susubukan ko lang naman po, naiintindihan ko po ang pag-aalala niyo, pero sana pagkatiwalaan niyo po ako sa desisyon kong ito.”

“Oo sige na, wala naman akong balak pigilan ka, hindi ko lang talaga mapigilan ang pag-aalala, teka nag-usap na ba kayo ni Lucy tungkol dito?”

“Opo, sorry po ha kung siya ‘yung una kong kinausap tungkol sa bagay na’to.”

“Okay lang anak, magkarugtong ang pusod niyo ni Lucy kaya natural lang na siya ang unang makaalam ng lahat ng pangyayari sa’yo. At ganoon ka rin sa kanya.”

“Salamat po, ‘nay.”

Muling bumaling si Luisa sa ama.

“Tay, alam ko nahihirapan ka na sa sakit mo ngayon, pero ipagpatuloy lang natin ang pananalig sa itaas ha, saka balitaan mo ako lagi ng improvement mo. Alam ko naman na hindi ka pababayaan ni nanay eh, saka ni Lucy.”

“Kung naniniwala ka sa itaas, ako rin, naniniwala ako sa milagro ng Diyos. Ikaw mag-ingat kang mabuti ro’n. Kung hindi ka magiging masaya doon, bumalik ka agad dito, sa aming pamilya mo.”

“Thank you po tatay, I love you…” sabay yakap ni Luisa sa ama.

After a week. Dinalaw ni Migz si Lucy sa ­opisina nito.

“Migz, what are you doing here?”

“Hihintayin sana kita eh, may importante kasi akong sasabihin.”

“Sabihin mo na sa’kin ngayon kasi after work may meeting ako sa client namin kaya hindi ako puwedeng lumabas.”

“Gano’n ba?”

Tumayo si Lucy at nilapitan ang nobyo. Ikinawit niya ang kamay sa leeg nito na parang naglalambing.

“So what is it honey?”

“Tungkol sa work ko.”

“Wow, I guess na-promote ka?”

Umiling si Migz.

“Lucy, madedestino ako sa malayo…sa ibang bansa…”

“Really?”

Tumango ang binata. Inalis ni Lucy ang kamay niya sa leeg nito.

“Good for you,” kaswal na sabi ng dalaga na bumalik sa swivel chair niya.

“Hon, kung hindi ka papayag…”

“Migz, ano ka ba, bakit naman hindi ako papayag, it’s your dream come true!”

Related Posts

Hinawakan ni Migz ang kamay ng nobya.

“Two years ang kontrata namin do’n.”

“What is two years sa tagal ng pinagsamahan natin? Nag-aalala ka ba?”

“Of course not…”

Deep inside ay labis na ang pagdududa at pag-aalala ng puso ni Migz. Matapos kasi ang pagwo-walked out ni Lucy sa proposal niya last week ay parang walang anuman dito nang muli silang nagkita. Parang walang nangyari. Tulad ngayon na parang hindi man lang niya nakitaan ng lungkot ang mga mata ng nobya sa napipinto nilang pagkakalayo.

On the way sa airport ay kausap ni Luisa si Lucy sa phone.

“Sis, take care ha. I’m sure makakasundo mo si Aunty Bel, she’s a very serious woman like you.”

“Talaga, gaano naman kaseryoso, sigurado ka ba mabait siya?”

“Yeah! Matandang dalaga si Aunty, but she’s not a bitter, in fact, sobrang in love niya sa mga dogs and cats kaya expect many of those sa house niya at sila ang nagpapasaya sa kanya.”

“O sige na, malapit na’ko sa airport.”

“Okay, bye, ngat-i! Kainis ka, wala nang magpo-proxy sa date namin ni Migz!”

“Luka-luka! Sige bye na!”

Airport.

Panay ang tingin ni Miguel sa pambisig niyang orasan. Wala pa kasi ang mga makakasama niya patungong London. Nagulat siya nang makita si Luisa na inaakala niyang si Lucy, palinga-linga rin.

“LUCY!”

Patalikod na si Luisa nang marinig niya ang boses na iyon. Boses na saglit na nagpahinto sa pintig ng puso niya, ang kasunod niyon ay malalakas na kabog ng dibdib na tila tinatambol.

Unti-unti siyang humarap at hindi nga siya nagkamali.

“M-Migz?”

Nasa harapan na niya ang binata.

“Akala ko hindi mo ako ihahatid? Now I know na mas importante talaga ako kaysa sa meeting mo with another new client!” nakangiting sabi ng binata sabay yakap sa dalaga.

Hindi makakibo si Luisa. Para siyang natuklaw ng sangkaterbang ahas sa pagkatulala.

Napansin naman ni Migz ang bagahe niya.

“Lucy, ihahatid mo lang ako, bakit may dala kang bagahe? Gusto mo bang sumama?”

Sa halip na sagutin ang tanong ay umisip ng paraan si Luisa kung paano matatakasan ang ­tagpong iyon.

“W-Wait lang, dito ka lang muna, pupunta lang ako sa restroom, saglit na saglit lang okay?”
“H-ha?”

Walang lingon likod na tinungo ni Luisa ang ladies room. Humarap siya sa salamin at kitang-kita niya kung paano siya namumutla. Agad niyang kinontak si Lucy.

“Luisa, bakit?”

“Anong ginagawa ni Miguel dito sa airport?”

“Si Migz?” gulat si Lucy.

“Lucy, akala niya nandito ka para ihatid siya, saan ba siya pupunta, bakit hindi mo sinabi sa akin ‘to?”

“Wait, isa-isa lang okay? I’m sorry nawala sa isip kong ichika sa’yo na pupunta rin si Migz ng London for his job kasama ang team niya. But wala kaming usapan na ihahatid ko siya!”
“Ano?… So anong gagawin ko? Pa’no kung pareho kami ng flight?”

Saglit na nag-isip si Lucy.

“Okay ganito na lang, tell him na sinorpresa mo siya, na gusto mong sumama at makabisita na rin kay Aunty Bel, tell him na nakansel ‘yung meeting kaya nagkaro’n ka ng opportunity na makapagbakasyon!”

“Nababaliw ka na ba? May iba akong pakay sa London, gusto mong samahan ko ang boyfriend mo hanggang do’n ba naman?” (Itutuloy)