Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-24 na labas

Napapikit ang dalaga at nagpadala sa damdamin. Ang halik na iyon ay tumagal ng ilang segundo. Sa gitna ng napakataas niyang emosyon ay tila bigla siyang nagising mula sa isang magandang panaginip. Naalala niya si Lucy. Oo, hindi siya nananaginip ngayon at totoong nagyari ang napakatamis na halik na iyon, pero kailangan niyang isipin na panaginip lang ang lahat.

Bumitaw siya sa napakagandang sandali na iyon sa kanyang buhay. Kinuha ang bag niya sa table at walang sabi-sabing tumakbo palayo sa lugar.

“LUCY! LUCY!” habol ni Migz.

Mabilis namang nakasakay ng taxi si Luisa.

Hatinggabi na nang dumating si Lucy mula sa opisina. Nagtaka siya nang madatnan pa niya si Luisa sa sofa na naghihintay sa kanya.

“O sis, bakit gising ka pa? kumusta ang date nyo?” nakatawa pang tanong ni Lucy.

Humugot ng malalim na buntong hininga si Luisa bago sumagot.

“Nag-propose lang naman siya.”

“What? As in wedding proposal?” gulat at nanlalaki ang matang tanong muli ni Lucy.

Tumango si Luisa. Naupo si Lucy sa tabi ng kakambal.

“P-paano? Anong klase, may mga decoration ba, maganda ba yung singsing, anong sinagot mo?”

Ipinakita ni Luisa ang daliri niya na walang singsing.

“You said no?” pagkukumpirma ni Lucy.

“Yes, it’s a NO… ang sabi ko hindi pa’ko handa…”

Related Posts

Tila nakahinga naman ng maluwag si Lucy.

“Very good sis! Iyan din naman ang sasabihin ko eh, kasi alam mo naman na marami pa’kong gustong gawin sa buhay ko diba? marami pa’kong gustong marating! Yun nga lang, nakakapanghinayang ang moment na ‘yon…”

“Lucy, maniningil na’ko.”

Natigilan si Lucy.

“M-maniningil?”

“I need your help…gusto kong magamit ang pinag-aralan ko… sa London…”

Napakunot noo ang nabiglang si Lucy.

“Teka, teka,teka, nagmo-moment ako tapos bigla mong isisingit ‘yan, seryoso ka ba?”

“Sorry ha kung naputol ko ang pagmo-moment mo, pero seryoso talaga ko, gusto ko nang ituloy yung pangarap ko sa London. Kailangan ko lang ng matutuluyan doon kaya kailangan ko talaga ang tulong mo.”

“Sis, hindi naman ako against diyan, question lang, pa’no sina nanay at daddy kung hindi sila pumayag na lumayo ka?”

“Marami namang way para hindi nila maramdaman na malayo ako, saka isa pa mukhang in good terms na naman sila ni tatay… kita mo nga kung mkaasta si tatay akala mo walang iniindang sakit.”
“Okay, nabigla lang talaga ko, siguro itulog na muna natin ito bukas na lang natin pag-usapan para mapag-isipan mo rin munang mabuti, tara sleep na tayo!”

Hindi makatulog si Luisa. Patuloy na ginugulo ng pangyayari kanina ang puso’t isipan niya. Kapag hindi pa siya lumayo baka tuluyan na siyang mahulog sa pinakamalalim na bangin ng mga pusong sawi at hindi na niya magawang iahon ang sarili.

Kapag nangyari ‘yon marami siyang masasaktan, unang-una na si Lucy, si Migz at maging ang mga magulang niya. Paano niya ipapaliwanag sa mga ito na napapayag siya ni Lucy sa kabaliwan nito?.

At paano niya ipaliliwanag na hinayaan niya ang sarili na magpatangay sa agos ng kanyang damdamin? Ilang libong beses man niyang itanggi sa sarili, alam niyang hindi niya maloloko ang puso niya na isinisigaw na ngayon ang pangalan ni Miguel.

Hindi rin makatulog ng mga sandaling iyon si Migz. Laman rin ng isip niya ang kakaibang halik na iyon. Parang bago sa pakiramdam. Parang may ibang naramdaman ang puso niya na hindi niya mawari. Bakit ba ganito ang nararamdaman niya?

Dahil sa isiping iyon ay muling nabuhay ang pagdududang pilit niyang pinapatay sa lahat ng sulok ng puso niya. Hindi niya kasi gusto ang pakiramdam na iyon. (Itutuloy)