Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-21 na labas

“Akala ko hindi ka darating eh, salamat hon ha, kasi tinupad mo ang promise mo.” Si Migz.
Pinagsabay ni Luisa ang pagtango at pagngiti.

“I’m sure wala kang baong swimsuit?” nakangiting tanong ni Migz.

“Wala eh.”

“I know, kasi hindi ka marunong lumangoy kaya awkward para sa’yo ang mag-swimsuit, bakit naman kasi ayaw mo pang magpaturo sa’kin, willing naman ako!”

Natigilan si Luisa. Hindi nasabi sa kanya ni Lucy na hindi ito marunong lumangoy.

“I’m sorry hon, na-offend ba kita?”

“H-hindi naman…”

“By the way, kumusta naman ang work mo, medyo matagal na rin na hindi ka nagkukuwento tungkol sa office nyo ah!”

Napalunok si Luisa. Napansin pala iyon ni Migz. Pero ano nga ba ang maikukuwento niya tungkol sa trabaho ni Lucy kung wala naman talaga siyang alam tungkol dito. Kahit kasi inalok siya ng kakambal na doon na rin magtrabaho ay tinanggihan niya ito. Para kasi sa kanya, hindi ito ang tamang daan patungo sa pangarap niya. May sarili siyang daan na gustong tahakin.

“Okay naman sa work, sobrang busy pa rin…” maikling tugon niya.

“Gano’n ba, sorry hon kung naaabala ka namin ni Michelle.”

“Ano ka ba, importante naman itong okasyon diba? lalo na next year kapag nag-debut na si Michelle, siguradong mas bongga!”

“Siyanga pala hon, yung sorpresa ko, gusto mo bang sabihin ko na ngayon or later?”

“Alam mo ikaw, pabitin ka eh, sige na sabihin mo na ngayon para malaman ko na, ano ba’yon?”

Kinuha ni Migz ang isang boquet ng red roses sa ilalim ng table nila at iniabot sa dalaga. Nakangiti pero napakunot ang noo ni Luisa. Tinanggap niya ang bulaklak at binasa ang card na nakadikit doon.

“Congrats me because I am officially a photographer now!” mas tumamis pa ang ngiti ni Luisa nang lumipat ang tingin niya mula sa bulaklak patungo kay Migz na naghihintay ng reaction niya.

“O ano, bilib ka na ba? ito ang gusto mo para sa’kin diba?”

“Wow, congrats!”

“Gano’n lang ba? wala man lang bang reward na hug and kisses diyan?”

Napalunok na naman ang dalaga. Nakakarami na sa kanya ang lalaki. Pero hindi naman niya ito masisi dahil wala naman itong kaalam-alam na ibang tao siya at hindi si Lucy.

“O ano?” si Migz na nagsusumamo ang mukha.

Nagkusa na lang si Luisa na yumakap sa binata. Dahil iyon lang ang kaya niyang ibigay para dito. Habang nakayakap siya dito ay damang-dama niya ang napakalakas na tibok ng puso niya. Sana lang ay hindi ipagkanulo ng mga pintig na ito ang tunay niyang nararamdaman.

“O ayan, yakap gift pero bawal ang kiss, ang daming tao o!”

Related Posts

“Okay sige, pero may utang ka sa’king kiss ha?”

“Sige ilista mo muna.”

“Okay, teka lang hon ha, puntahan ko lang saglit sina mom and dad tapos diretso ako ng shower room, sure ka ayaw mong mag-swimming?”

“No thanks.”

Habang wala si Migz ay pinanood ni Luisa ang mga teenager na nagkakasayahan sa pool kabilang na si Michelle. Maya-maya lang ay nag-ahunan na ang iba at kumain, samantalang si Michelle ay sige pa rin sa paglangoy papunta sa malalim na bahagi ng pool. Hanggang sa makita niya itong kumakaway na tila nalulunod.

“M-Michelle…”

Nang rumehistro sa mukha ni Michelle ang takot ay biglang nag-alala si Luisa. Hindi na siya nagdalawang isip, suot ang dress ay lumundag siya sa tubig at buong bilis na lumangoy patungo kay Michelle.

Nagkagulo sa paligid dahil sa pangyayari at lahat sila ay nagpapasalamat sa dalaga sa pagliligtas nito kay Michelle.

“Ate, thank you so much, sorry kung natakot ko kayong lahat, sinubukan ko lang naman kung kaya ko do’n sa malalim, pero masyado na palang malalim sa banda ro’n…”

Habang abala ang lahat sa eksenang iyon ay tila natuklaw naman ng ahas sa pagkakatayo si MIgz. Hindi makapaniwala na sinagip ni Lucy si Michelle.

Hindi makapaniwala dahil paanong mangyayari ‘yon gayong alam na alam niyang hindi marunong lumangoy ang nobya.

Natatandaan pa nga niya nung minsang mag-outing sila kasama ang mga barkada, ni ayaw lumusong ni Lucy sa tubig dahil nga hindi raw ito marunong lumangoy. Nag-walk out pa nga ito nang kan­tyawan ng mga barkada nila.

“N-Nagpapanggap lang ba siya?…na hindi marunong lumangoy?” tanong ni Migz sa sarili.
“Kuya, ano bang sinasabi mo. Pinagdududahan mo ba si Ate Lucy?” tanong ni Michelle habang magkausap sila ni Migz sa terrace ng bahay nila.

“Nagtataka lang ako, parang habang tumatagal hindi ko na siya nakikilala…para bang may mali o pagbabago sa kanya?”

“Wow ha, ano ba yung mga pagbabagong sinasabi mo, like what?”
“Tulad nang hindi niya pagkukuwento tungkol sa trabaho, tapos kanina sa halip na maki­pagbeso e nagmano siya kina mom and dad…tapos nakukulangan ako sa reaksyon niya nung sabihin ko yung tungkol sa magiging trabaho ko, parang hindi siya natuwa,ni hindi man lang siya nag-usisa na  siyang inaasahan ko sa kanya…at higit sa lahat, hindi siya marunong lumangoy pero nagawa ka niyang sagipin …”

Natigilan si Michelle sa sinabi ng kuya niya.

“Ano? H-hindi siya marunong lumangoy?…”

“Oo kaya nagtataka talaga ako kung paano ka niya nasagip?”

“Bakit hindi mo siya tinanong kanina?”

“Hindi ko nagawa eh, nawalan ako ng lakas ng loob, kasi naguguluhan pa’ko eh…”

Saglit na nag-isip  si Michelle. At maya-maya’y…

“Alam ko na!”

“Ang alin?”

“Para mawala ‘yang pagdududa mo, bakit hindi mo na lang siyang ayaing magpakasal?”

“Ano? Nababaliw ka na ba? bata pa kami para sa kasal!” (Itutuloy)