Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-18 na labas

Kinabukasan Sabado. May pasok pa rin si Lucy. Si Luisa naman ay walang pasok sa culinary at rest day din sa bookstore. Naisipan ng dalagang magdilig ng mga halaman sa garden.

“Ma’am, sigurado po kayo?” nag-aalangang tanong ng kasambahay.

“Oho manang, paborito ko pong gawin ang pagdidilig ng mga halaman maski nung nasa Quezon­ pa po kami, namimiss ko na nga po ang mga halaman ni nanay doon e, saka manang pwede po bang ‘wag niyo na akong tawaging ma’am, Luisa na lang po.”

“O sige Luisa, teka nga pala, wala bang balak si Sir Conrad na ipakilala kayo officially sa mga relatives and family friends nila o kaya sa mga kasosyo sa negosyo?”

“Naku hindi naman po kailangan ng gano’n saka ayaw din po ni nanay. Masaya na po kami at kuntento na kasama namin ngayon sina tatay at Lucy.”

“Napakabait mo, katulad ka rin ni Lucy, mabait rin siya pero kapag mainit ang ulo niya bawal siyang kausapin, iyon lang ang nakuha niya sa Lola Consuelo nyo.”

Natawa si Luisa pero deep inside hindi siya interesado sa lola nila. Ito kasi ang dahilan kung bakit nagkahiwalay ang pamilya nila. Sana nga lang ay tahimik na ito sa itaas.
Iniabot na ng matanda ang hose kay Luisa.

“Maiwan na muna kita ha, may gagawin pa’ko sa kusina, tawagin mo lang ako ‘pag may kailangan ka.” Bilin pa ni manang.

“Sige po.”

Inumpisahan na ni Luisa na magdilig ng mga halaman. Hindi pa siya nagtatagal doon nang biglang may yumakap sa kanya mula sa likuran.

“Good morning honey!” sabay bulong ng binata sa teynga ng dalaga na nagdulot ng isang libo’t isang boltahe ng kuryente dito.

“MIGZ!” nanlaki ang mga mata at nanlamig ang pakiramdam ni Luisa. Agad niyang tinanggal ang mga kamay ni Migz sa beywang niya.

“Honey, sorry nagulat ba kita?”

“A-anong ginagawa mo rito?”

“Ouch, ang sakit naman ng tanong mo, parang ayaw mo akong makita, syempre dinadalaw ka, nagtext ako sa’yo kagabi at sinabi kong pupunta ako today, hindi ka naman nag-reply , tinawagan din kita kanina pero hindi mo naman sinasagot naisip ko baka tulog ka pa kaya nagpunta na lang ako sa ayaw mo man at sa gusto! “

“Gano’n ba…”

“Hon, ano bang nangyayari sa’yo? Tara almusal tayo may dala akong favorite mo!”

Kinabahan si Luisa. Kapag kasi favorite ni Lucy ay nagkakataon na hindi naman niya gusto.

“Buti pa mauna ka na, tatapusin ko lang ‘tong pagdidilig ko.”

“Bakit ba ikaw ang gumagawa niyan?”

“Wala lang, gusto ko lang.”

“At kailan mo pa nagustuhang magdilig? Diba ang gusto mo lang ay mamitas ng mga rosas?”

“Sige na pumasok ka na sa loob, susunod na’ko.”

Related Posts

Nang makapasok na sa loob ng bahay si Miguel ay dali-daling iniwan ni Luisa ang ginagawa. Pinatay niya ang tubig sa hose at nagmamadaling nagpunta sa kuwarto nila ni Lucy. Kinuha niya ang cellphone sa bag niya at sinubukang kontakin ang kakambal.

“Lucy nandito si Miguel, anong gagawin ko?”

“What? Mabuti pa ayain mo siya, lumabas kayo, baka malaman niya diyan ang sikreto natin!”

“Lalabas na naman kami?”

“Please Luisa, I’ll call you later, mag-uumpisa na ang meeting, keri mo na ‘yan, bye!”

Napapikit si Luisa sa isipin na aatakehin na naman siya ng nerbiyos sa muli nilang pagsasama ni Migz.

“Diyos ko, sana malampasan ko ulit ito.” Bulong niya sa sarili.

“Alam mo hon, naninibago ako sa’yo kasi ikaw pa talaga ang nag-ayang lumabas ngayon.” Nangingiting sabi ni Migz habang nasa manibela ng dala niyang kotse.

“Ahm, naisip ko kasi wala naman akong gagawin ngayon… pero umuwi rin tayo agad kasi mamaya busy na ulit ako.”

“I know, ikaw nga ang pinaka-busy na taong nakilala ko eh!”

Sinamantala ni Migz ang traffic para mahawakan ng isang kamay niya ang kamay ng nobya. Nabigla si Luisa. Hindi niya gusto ang nararamdaman sa tuwing dadampi ang balat ng binata sa kanya. Parang may kakaibang kuryente ang dumadaloy sa kalamnan niya hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso. Kaya naman patay malisya niyang binawi ang kamay. Kunwari na lang ay inayos niya ang buhok.

“By the way, may surprise nga pala ko sa’yo na siguradong ikatutuwa mo! Pero…”

“Pero ano?”

“Pero sasabihin ko na lang ‘yon sa’yo sa birthday ni Michelle.”

Naalala ni Luisa, nabanggit na sa kanya ni Lucy si Michelle. Nag-iisang kapatid daw ito ni Migz at super close sa kanya.

“Bakit naman sinabi mo agad na may surprise ka, ayan mag-iisip pa tuloy ako.”

“Sorry, excited kasi akong malaman mo. And ‘yun nga palang birthday ni Michelle gaganapin sa resort.”

“Ah, okay.”

“Siguraduhin mo lang na makakarating ka, kasi alam mo naman, napaka-special mo kay Michelle, hindi makukumpleto ang birthday niya kapag hindi ka dumating!”

“Oo naman, darating ako.”

Isang matamis na ngiti ang isinukli ni Migz sa sinabi ng dalaga. Mga ngiting tila nais tumunaw sa natutulog na puso ni Luisa. Napahugot siya ng malalim na buntong hininga sa pag-aalalang baka umasa ang puso niya sa isang pagpapanggap.

Ang una at ikalawa nilang paglabas ay nasundan pa nang nasundan, hanggang sa magdesisyon na si Luisa.

“Lucy harapin mo nga ako, alam ko gising ka pa!” niyuyugyog ni Luisa ang kapatid na nakahiga nang patalikod sa kanya.

“Sis, I’m sorry, sobrang tired talaga ko sa office, wala ako sa mood makipagkuwentuhan…”

“Hindi tayo magkukuwentuhan, gusto ko lang i-remind sa’yo na sa makalawa na ang birthday ni Michelle, parang awa mo na ‘wag mong sisirain ang schedule ko, ayoko ng um-absent sa bookstore at sa school ko para lang sa boyfriend mo!”

“Oo sige, ako naman ang pupunta ro’n eh, ayokong ma-miss ‘yung sinabi mong surprise ni Migz para sa’kin.” (Itutuloy)